Kamuntik nang mabiktima at makuhanan ng pera si Rocco Nacino matapos siyang padalhan ng mensahe ng isang nagkuwaring si Gabby Eigenmann.

Sa Instagram, ipinost ni Rocco ang pakikipag-palitan niya ng mensahe sa "poser" ni Gabby na nanghihiram ng P10,000.

Idinahilan ng poser na "down" daw ang bangko niya at babayaran daw kaagad ang ipapadala sa kaniyang P10,000.

Kaagad na tinawagan ni Rocco ang numero ni Gabby para alamin kung ito talaga ang nagpadala sa kaniya ng mensahe.

“Namuntikan pa ako dahil bagong gising ako,” sabi ni Rocco sa post niya sa Instagram. “Kasi alam ko mayaman ’tong si brother Gabby at kung meron man uutang, ako dapat ’yon sa kanya.”

 

 

Kahit alam na niyang poser ang nanghihiram ng pera, nakipag-usap pa rin si Rocco para makuha ang numero nito.

Dito na nalaman ni Rocco na ang numero ay pag-ari ng isang “Sabina M.”

Nadismaya si Rocco ay pinayuhan ang poser/scammer na magtrabaho.

“Sa taong ito, sana makonsensya ka sa ginagawa mo at karma na ang bahala sa’yo. Kung kailangan mo ng pera, gumawa ka ng tamang paraan para makaipon. Hindi lahat nasho-shortcut,” saad ng aktor.

Irereport daw ni Rocco sa mga awtoridad ang numero at pinayuhan niya ang kaniyang followers na maging maingat sa mga taong nakikipag-ugnayan sa kanila.

“It’s sad to know that may mga gumagawa talaga ng ganito. Sana maging aral ito para sa’tin lahat na mag-ingat palagi at magkaroon ng presence of mind lalo na ’pag pera na ang usapan,” ani Rocco.

Nagbigay din ng babala si Gabby sa kaniyang followers na, “not entertain any messages from this person pretending to be me.”

Mensahe niya sa kaniyang poser: “Kung sino ka man, tigilan mo na ang pangloloko sa mga tao, mas doble ang balik sa karma.” – FRJ, GMA News