Si Yvette Sanchez ang bagong kontrabidang aabangan ang mga Kapuso sa upcoming series na "False Positive," na pinagbibidahan nina Glaiza de Castro at Xian Lim.
Sa panayam ng GMA Regional TV Live, napag-alaman na isa ring TikToker si Yvette, at mayroon na siyang mahigit 345,000 followers, at may video na umabot sa isang milyon ang views.
Kuwento ni Yvette, nagulat siya sa biglang pagdami ng kaniyang followers dahil matagal nang nag-viral ang isa niyang video.
"Yung first video ko na nag-viral matagal na siya. Tapos biglaan na lang siyang nag-boom. Nagulat ako, puwede pala yon," pahayag niya.
"Tapos tuloy-tuloy na. Nagtuloy-tuloy na rin po ako sa paggawa ng videos," aniya.
Mula sa pagiging model, pinasok na rin ni Yvette ang pag-arte. Mula sa mga supporting roles, nagbigyan siya ng big-break para maging kontrabida sa "False Positive."
"Ako po ang papagitna kina Yannie and Edward (karakter nina Glaiza at Xian). Pero hindi naman po ako ganung kakontrabida rito," paliwanag niya.
"Mayroon lang po talaga akong gustong patunayan," dagdag niya.
Inihayag din ni Yvette na ang "False Positive" ay kuwento ng mag-asawa na nagkakaroon ng problema, at mabubuntis ang lalaki.
Mapapanood ang "False Positive" na magiging first GMA series ng bagong Kapuso na si Xian simula sa April 25. --FRJ, GMA News
