Inihayag ng veteran actor na si Gardo Versoza na isa sa mga nagpa-excite sa kaniya na maging bahagi ng upcoming GMA series na "Bolera," ay ang muling makatrabaho ang direktor na nagbigay sa kaniya noon ng markadong karakter na si "Apo Abukay."
Sa panayam ng Mornings with GMA Regional TV: BizTalk, inihayag ni Gardo ang kasiyahan na makatrabahong muli si direk Dominic Zapata para sa "Bolera," na pagbibidahan ni Kylie Padilla.
"Sa mga hindi nakakaalam siya [direk Dominic] yung nag-create kay Apo Abukay sa 'Sugo.' Noon-noon pa ito. Hindi ko alam doon sa mga hindi nakapanood, medyo malalim din yung naging impact kay Apo Abukay sa teleseryeng 'Sugo,'" ayon kay Gardo.
Ang "Sugo" ay isang mystery-action series ng GMA na ipinalabas noong 2005-2006, at pinagbidahan ni Richard Gutierrez.
Si Gardo ang gumanap sa karakter na Apo Abukay, isang warrior-chieftain na pinaslang noong Spanish era.
Ayon kay Gardo, excited siya sa bagong karakter na kaniyang gagampanan sa "Bolera" na nilikha ni direk Dominic bilang si "Cobrador," na isang billiard champion.
"Kaya ngayon excited din ako kasi eto iki-create naman ngayon si 'Cobrador,' na magiging sagabal at tinik sa buhay ni Bolera, ni Kylie Padilla," anang aktor.
Aminado si Gardo na challenge sa kaniya ang role na si Cobrador dahil kailangan na makumbinsi niya ang mga manonood na isa siyang mahusay na billiard player kahit sa tunay na buhay ay hindi naman.
Ikinatutuwa rin ng aktor na makatrabaho ang mga kabataang co-stars sa serye tulad nina Jak Roberto at Rayver Cruz dahil bumabata umano ang kaniyang pakiramdam. --FRJ, GMA News
