Inilahad ni Barbie Forteza na gusto niyang muling makatrabaho ang nobyong si Jak Roberto matapos niyang makita ang "level up" na acting skills ng aktor para sa upcoming primetime series na "Bolera."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Barbie na proud at supportive siya kay Jak sa bago nitong proyekto.

"Nu'ng huli kaming nagka-work, hindi siya ganu'n dati. So I'm looking forward na ma-experience ko 'yung ganu'ng klaseng Jak Roberto," sabi ni Barbie.

Makakasama ni Jak sina Kylie Padilla at Rayver Cruz sa "Bolera."

Matatandaang nagtungo sa Bohol sina Barbie at Jak bilang advanced celebration ng kanilang ikalimang anibersaryo bilang couple.

Makikita sa kaniyang Instagram ang pagiging confidently sexy ni Barbie sa kaniyang bikini photos mula sa kanilang trip.

Mismong si Jak ang kumuha ng mga ito.

Hindi rin nagpahuli ang aktor at nagpakita ng kaniyang toned abs.

"Siguro dahil na-overwhelmed din kami sa lugar, na ang ganda, sayang naman kung hindi natin susulitin. Doon na nga lang kami ulit nagkaroon ng chance para makapag-travel ulit together," sabi ni Barbie.

"Sobrang proud ako. Tsaka siyempre, parang dahil ako 'yung kumuha, sa loob-loob ko, 'Pwede! Pwede!'" ani Jak.--Jamil Santos/FRJ, GMA News