Labis na ikinatuwa ni Dingdong Dantes at production team ng "Family Feud Philippines" ang ginawang pagbati ni Steve Harvey sa tagumpay ng programa. Si Steve ang host ng US version ng show.

"Mabuhay Philippines, this is Steve Harvey. Look, I wanna congratulate Family Feud Philippines on GMA Network. Family Feud is now the most watched game show in the entire Philippines. Wow! You guys are unbelievable! Keep it up Kapuso!" mensahe ni Steve sa isang video.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing naging isang malaking sorpresa kay Dingdong, at sa team ang pagbati ni Steve.

"Pareng Steve maraming salamat sa'yo!," saad ng masayang-masaya na si Dingdong.

"Wow as in sobrang kakaiba 'yung feeling. Kulang na lang magsisitalon kami rito sa set noong nalaman namin 'yung ratings," sabi pa ng Kapuso Primetime King.

Naging maugong ang pagtanggap ng mga manonood sa Philippine version ng "Family Feud" kaya umabot ito maging kay Steve. --Jamil Santos/FRJ, GMA News