Inamin ni Lexi Gonzales na siya ang gumawa ng "first move" sa aktor na si Gil Cuerva kaya naman nasa dating stage na sila ngayon.

Sa programang "Mars Pa More," nag-play ng isang surprise video mula kay Gil kung saan tinanong niya si Lexi: "Ikaw ba ang nag-first move sa ating dalawa? Yes or no?"

"Yes," ang natatawa na nahihiyang sagot ni Lexi.

"Kasi after nu'ng guesting ko sa 'Taste Buddies,' inaasar-asar na nila kami no'n, ng mga staff, and then... So minessage ko lang naman siya, [nag-DM ako] sa IG sabi ko 'Ingat ka pag-uwi,'" kuwento ng aktres.

ADVERTISEMENT

"At that time, type mo na siya?" tanong ng host na si Iya Villania, na sinagot ni Lexi na muling may pagtango.

"After nu'n, magdamag kaming magka-chat after ko siyang i-chat ng 'Ingat ka pag-uwi.' Nag-reply siya and then magka-chat kami magdamag until the next morning," kuwento ni Lexi.

Naka-relate naman si Iya sa kuwento ni Lexi, dahil siya rin daw ang gumawa noon ng hakbang para mapalapit sa asawa na niya ngayong si Drew Arellano.

"For the record, ako rin ang nag-first move kay Drew," pagbabahagi ni Iya.

"And look at us now!" natatawang biro ni Iya, na ipinakita ang kaniyang baby bump. "Ingat ka na sa mga susunod mong moves ha."

--FRJ, GMA News