Nagpasiklab sina Alden Richards at Bea Alonzo sa kanilang production number para sa finals night ng isinagawang fitness competition nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood ang galing sa paghataw sa dance floor ni Alden.

Matapos nito, ibinida rin niya ang kaniyang toned na body form.

Kitang-kita rin ang kaseksihan ni Bea sa pagpapakitang gilas niya sa dance number.

"Actually kinakabahan ako to be honest, kasi na-realize ko ang tagal ko na talagang hindi sumasayaw, parang mga 10 years ago 'yung totoong prod. Pero si Alden he's so confident, confident namang mag-dance, he's really a dancer. So I guess mas ako 'yung kinabahan more than him," sabi ni Bea.

Maliban sa pag-maintain ng kanilang figure at pagiging fitspiration sa mga tao, abala na rin sina Alden at Bea sa kanilang first series na magkatambalan na "Start-Up."

Halos araw-araw ang kanilang taping sa adaptation ng hit Korean drama.

"Very rewarding siya because masaya naman ang set namin. I love working with everyone. And masaya ako kasi it's my first Korean title na gagawin for the Filipino crowds," ani Bea.

Mayroon ding Filipino flavor ang series.

"We needed uniquely Filipino, marami talaga. Siyempre may kaibahan 'yung sensibilities ng Koreans sa Filipinos and to make it our own talaga, meron kaming mga twist na nilagay, konting spice," anang Kapuso actress.--Jamil Santos/FRJ, GMA News