Dream come true para kay Ashley Ortega na gumanap bilang isang ice skater sa pagbibidahan niyang series na "Frozen Love," katambal si Xian Lim.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mapapabilib ang viewers sa ice skating skills ni Ashley na ipakikita ng aktres sa series.

Ayon kay Ashley, talagang passion niya ang ice skating kaya malaki ang kaniyang pasasalamat nang mabigyan ng proyekto na may kinalaman sa kaniyang paboritong hobby.

"When I found out na magkakaroon ako ng project, halos maiyak iyak ako noon because aside from getting a huge break from GMA, it's about figure skating which is like a dream role of mine ever since I started showbiz," sabi ni Ashley.

"And I remember before people would always ask me what's your dream role, sinasabi ko figure skating. I never expected in a million years na matutuloy siya," dagdag pa ng Kapuso actress.

Bilang paghahanda ni Ashley, araw-araw siyang nagsasanay sa ice skating rink kasama si Xian.

Bagaman marunong mag-ice hockey si Xian, sinabi ng aktor na bago ulit sa kaniya ang lahat ng training sa ice skating.

"It's a whole new playing field. I don't want to let people down. It is kind of like riding a bike in a way, para ring pagsakay ng motor na you really need to spend hours. Walang shortcut. I just want to be the hardest working person in the room," anang aktor.

Kahit hindi pa nagsisimula ang taping, close na agad sina Xian at Ashley, na nagkakilala lang noong GMA Thanksgiving Gala.

"Super sweet and super humble. Even though he's like a star na Xian Lim, hindi ko naramdaman sa kaniya 'yung intimidation, he's very friendly. Ako nga 'yung nahihiyang mag-train sa harapan mo (Xian)," sabi ni Ashley tungkol kay Xian.

Bukod dito, makakasama rin nila ang showbiz newbie at professional figure skater na si Skye Chua.

"I've been skating po for about 11 years now, and I've been training abroad like in Thailand, China. And recently lang po sa US. Usually I train six times a week, so training is hard," sabi ni Skye. --Jamil Santos/FRJ, GMA News