Tila hindi nagtatapos sa Binibining Pilipinas ang pageant journey ni Herlene Budol.

Sinabi ng kaniyang manager na si Wilbert Tolentino sa isang vlog na naghahanap siya ng international pageants na sasalihan ni Herlene, na kilala rin bilang si "Hipon Girl."

“Sobrang proud kaming lahat sa iyo, Ms. Herlene dahil naiuwi mo ang first runner-up at ikaw pa rin ang nag-te-trending ngayon sa lahat ng social media,” sabi ni Wilbert sa kaniyang talumpati sa ibinigay na homecoming ng Angono, Rizal sa kaniyang alagang si Herlene.

“And gusto ko lang i-announce sa inyo na humingi ako ng basbas sa Binibining Pilipinas na naghanap ako ng international pageant na ilalaban ko pa rin si Herlene," dagdag niya.

Ayon pa kay Wilbert, wikang Filipino pa rin ang gagamitin ni Herlene kapag sumabak muli ang dalaga sa iba pang kompetisyon.

"Gagamitin pa rin niya ang wikang Tagalog dahil ito ay isang marka para sa kanya, dahil sine-celebrate natin ang Linggo ng Wika itong buwan na ‘to. Dapat proud tayo na isa tayong Pilipino," anang talent manager.

Mananatili naman daw si Herlene sa showbiz.

Handa naman si Herlene sa panibagong laban na haharapan.

“Meron pa po tayong susunod na mga laban. Kagaya ng sa international [pageant]," sabi niya. "Isisigaw ko po dun, at handang-handa na po ako sumigaw ng Pilipinas."

Sa pagsabak niya sa Binibining Pilipinas 2022, sumagot si Herlene sa wikang Filipino sa Q&A portion. Siya ang itinanghal na 1st Runner-Up sa kompetisyon at tumanggap ng pitong special awards. —FRJ, GMA News