Kasama ni Arra San Agustin sa nakaraang GMA Gala Night ang PBA player na si Juami Tiongson. In a relationship na nga ba ang status ng Kapuso actress?

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Arra na first time niyang isinama si Juami sa public event na kaniyang dinaluhan.

Patunay na nga ba ito na may relasyon silang dalawa?

"Kung ano 'yung ikakasaya ng heart, then why not express it, why not show it?" sabi ni Arra na isa sa mga leading lady sa Kapuso series na "Lolong."

ADVERTISEMENT

Dating naglaro si Juami sa Ateneo Blue Eagles, at kasama naman ngayon sa koponan ng Terrafirma Dyip sa PBA.

Nagpo-post din si Juami, Most Improved Player ng liga, ng mga larawan na kasama niya si Arra. Kabilang dito ang dinaluhan nilang GMA Gala Night.

"All I need in this life of sin," sabi ng cager sa caption.

Binati rin ni Juami si Arra sa kaarawan nito na tinawag niyang "baby."

Ayon kay Arra, sinusuportahan nila Juami ang career ng isa't isa.

"Halos same din 'yung sistema ng industriya nila sa atin, 'yun nga lang, tayo, kami s'yempre may iba ibang partners sa mga teleserye or sa mga iba pang ganap, so 'yun lang 'yung ipapaliwanag," anang aktres.

Bukod sa "Lolong" na napapanood pagkatapos ng "24 Oras," matutunghayan din si Arra sa darating na Sabado para sa three-part episode ng "Tadhana: Babawiin Ko Ang Langit." —FRJ, GMA News