Matapos ihayag ni Jaclyn Jose nitong Huwebes na magreretiro na siya sa showbiz, nilinaw naman ng kaniyang manager nitong Biyernes na hindi pa ito magagawa ng batikang aktres sa ngayon.

“Hindi pa [siya magre-retire],” sabi ni Liza Costales, na kinumpirma na mayroon pa kasing existing contract sa Kapuso network si Jaclyn.

ADVERTISEMENT

Sinabi rin ni Liza na masaya ang aktres sa kaniyang pagiging Kapuso.

Sa isang ulat ng PEP.ph, inihayag ni Jaclyn na inakala niyang tapos na ang kontrata niya sa GMA kaya inanunsyo na niya ang kaniyang pagreretiro sa isang post nitong Huwebes.

"I am retiring, maraming salamat po," saad ng aktres sa post.

"Masakit but I have to go," dagdag niya sa mensahe sa comment section.

Nataon ang naturang post ni Jaclyn ilang araw matapos ang finale ng kinabibilangan niyang Kapuso series na "Bolera," kung saan gumanap siya bilang ina ng bidang si Kylie Padilla.— FRJ, GMA News