Ibinahagi ni Bianca King na hindi naging madali ang first trimester ng kaniyang pagbubuntis, nang magkaroon siya ng anxiety dulot ng nararamdaman niyang mga takot.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabi ni Bianca na nalagpasan na niya ito at pregnancy bliss na ang kaniyang nararamdaman ngayong 19 linggo na siyang buntis.

"I started meditating along with an app that's specific to pregnant women, so that helped a lot. Tapos binibigyan ko ang sarili ko ng mga five articles max. After nu'n tama na. Just relax," pagbabahagi ni Bianca sa “Updated With Nelson Canlas” podcast.

Sa Australia nakatira sa ngayon si Bianca kasama ang asawang si Ralph Wintle.

Bumisita roon ang aktres noong nagsisimula pa lamang ang pandemic, pero naabutan si Bianca ng lockdown hanggang sa natuloy na sila sa kasalan.

Ayon kay Bianca, nasasanay na siya sa tahimik na buhay at malayo sa showbiz.

"'Yung mga kaibigan ko, hours and hours of like, nagpapakita sa akin 'Do you still want this?' 'Do we pack this?' 'Do we throw this?' It was three weeks of packing online. I let go of it (apartment) na. Wala akong closure on my life in Manila," sabi ni Bianca.

Ang asawa ni Bianca na si Ralph ang nakababatang kapatid ni Ben Wintle, na asawa naman ni Iza Calzado.

Nagsimula ang lahat nang dumalo si Bianca sa kasal ni Iza sa Palawan noong 2018.

"I even Googled him, sabi ko, 'Ah may hitsura, puwede, puwede.' So noong nakita ko na siya sa wedding, when he was giving his speech, he was so eloquent and it was so well-written. He's so funny, he's so good-looking, sabi ko 'That's my next boyfriend.' Sakto talaga. 'Akin na 'yan! Walang lalapit, akin na 'yan!'" kuwento ni Bianca kung paano sila nagkakilala ni Ralph. — Jamil Santos/VBL, GMA News