Dream come true para kay Barbie Forteza ang kinabibilangan niyang upcoming Kapuso historical portal fantasy series na "Maria Clara at Ibarra," dahil makakatrabaho na niya rito finally ang crush niyang si Dennis Trillo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Barbie na gaganap siya bilang Maria Clara na "Gen Z," o si Klay.

Isa siyang estudyante na magically ay magta-time travel sa nobelang Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal.

"Pagpasok ni Clay sa loob ng Noli, doon niya makikilala lahat ng characters. In a way doon magbabago rin 'yung perspective niya sa buhay, 'yung pagiging Pilipino niya, 'yung pananaw niya sa pag-ibig," sabi ni Barbie.

Sinabi ni Barbie na pinag-aralang mabuti ng produksyon ang magiging look ng serye, mula sa lokasyon, costume at pananalita.

Napakametikoloso raw ng kanilang direktor na si Zig Dulay.

"Very mabusisi si Direk Zig kaya I'm very excited. Also 'yung costumes namin, grabe legit na legit! Ang init, ang bigat! Totoong totoo siya," natatawang sabi ni Barbie.

Bukod sa interesting niyang karakter, masaya si Barbie dahil makakasama niya rin ang kumare niyang si Julie Anne San Jose.

Unang beses din ni Barbie na makakasama ang matagal na niyang showbiz crush na si Dennis Trillo sa isang drama series.

"I'm very proud na finally, naka-work ko na siya kasi juice ko, alam mo 'yan! Ever since siya naman talaga ang gusto kong maka-work, dreams do come true!," masayang sabi ni Barbie.--Jamil Santos/FRJ, GMA News