Hindi kinalimutan ni Leandro Baldemor ang aral na natutunan niya sa namayapang character actor na si Dencio Padilla para magtagal sa showbiz ang isang artista.

Sa panayam ng Home with GMA Regional TV, ikinuwento ni Leandro na nagsisimula pa lang siyang mag-artista noon sa edad na 18 nang makatrabaho niya si Dencio.

Si Dencio ang paboritong sidekick ng mga sikat na action star noon sa pelikula, kabilang na si Fernando Poe Jr.  Halos hindi mabilang ang pelikulang nagawa ni Dencio na nagsimula noong 1950's hanggang sa pumanaw siya noong 1997 sa edad 69 dahil sa sakit.

Ayon kay Leandro, siya mismo ang nagtanong sa tinatawag niyang Tata Dencio kung papaano magtatagal sa showbiz ang artista.

"Kasi nung nag-start ako 18 years old ako noon, medyo may mga edad na sila. So nagtanong ako, 'Tata Dencio ano po ba ang sikreto nang para ka tumagal sa showbiz?,'" saad ni Leandro na mapapanood sa upcoming Kapuso series na "Nakarehas Na Puso."

"Sabi niya dalawa lang 'yan, 'wag kang ma-late at alam mo assignment mo. Sabi ko papaano 'yon? [Sagot ni Tata Dencio] 'Pag-aralan mo paano ka mag- artista talaga. Gawin mo assignment mo at kung hindi ka magiging pasaway.'"

Ayon kay Leandro, dala pa rin niya o ginagawa pa rin niya ngayon ang naturang pangaral ni Dencio kahit ngayon na beterano na rin siya sa showbiz.

"Kaya pasalamat ako dahil hanggang ngayon nakukuha pa rin ako sa GMA. Malaking bagay para sa akin 'yon," sabi pa ng aktor.

Sa hiwalay na panayam, ikinuwento ni Leandro na nadiskubre siya sa showbiz habang naka-duty bilang nursing student.

"Nagko-community service kami, ako po'y na-discover sa community service. After seven days, pumirma na ako ng kontrata. So ibinigay sa akin ni Lord yung pagkakataon na maging artista," balik-tanaw ni Leandro na unang nakilala sa mga sexy film.

"Kung hindi naman ako naging artista siguro po ako'y isang negosyante," dagdag pa niya.

Ikinuwento rin niya na ang namayapang si direk Maryo Delos Reyes na dati niyang manager ang nagdala sa kaniya noon sa GMA.

Nakasama si Leandro sa action series na "Lolong," at sunod niyang proyekto ang "Nakarehas Na Puso," kasama sina Jean Garcia, at ang nagbabalik-showbiz din na si Michelle Aldana.--FRJ, GMA News