Inihayag ni Ruru Madrid na crush na niya si Bianca Umali kahit noong bata pa lamang siya, at katunayan, ang aktres ang kaniyang naging motibasyon para pumasok sa pag-aartista.

Sa panayam sa kaniya nina Boobay at Pepita sa YouLOL, ikinuwento ni Ruru na mag-aaral pa lamang siya noon nang bumisita sa kanilang eskuwelahan ang cast ng dating children's TV show na "Tropang Potchi" at nakita niya si Bianca.

"The first time na nakita ko si Bianca nine years old pa lang siya, and then ako parang Grade 5 yata ako. 'Yung Tropang Potchi nagpunta sa school namin tapos nakita ko si Bianca, sabi ko 'Ang ganda naman nito!' Tapos gustong gusto kong maging artista kasi gusto ko siyang maka-partner," kuwento ni Ruru.

ADVERTISEMENT

Isa raw ito sa mga dahilan niya sa pagpasok niya sa showbiz.

"'Yun ang naging motivation ko noong mga panahon na iyon para maging artista ako," sabi ni Ruru.

Sa kaniyang panayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Ruru na apat na taon na silang dating nina Bianca.

"We're seeing each other for four years and masasabi ko na wala naman kaming ibang kinikita, kami lang. Kung ano ang isipin ng tao, 'yun na 'yon," sabi ni Ruru.

"Sabi naman ni Bianca from the very beginning ng relationship namin, what you see is what you get. Kung ano 'yung nakikita niyo sa social media, ano ang nakikita niyo every time na magkasama kami, 'yun kami," dagdag ng binata.

Magiging sweet at exciting ang taong 2023 para sa fans nina Ruru at Bianca dahil magtatambal for the first-time ang real-life couple para sa isang teleserye. —LBG, GMA Integrated News