Wagi si Jessica Villarubin bilang Best Performance by New Female Recording Artist sa 2022 Awit Awards. Ang SB19, at Ben&Ben, big winners din.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng The Clash Season 3 Grand Champion na hindi siya makapaniwala sa kauna-unahan niyang nominasyon at pagkilala lalo't baguhan pa siya sa industriya.

"Napakasaya ko na po eh, maging nominado lang. Ngayon po, first time kong magkaroon ng awards. Napakasaya po talaga," sabi ni Jessica.

Wagi rin ang SB19 bilang Best Global Recording para sa kanta nilang "What?" Best Vocal Arrangement, Best Pop Recording, Most Streamed Song at Best Performance by a Group Recording Artist para kantang Mapa, at Most Streamed Artist.

Wagi naman ang Ben&Ben sa Album of the Year category, Best Musical Arrangement, Best Music Video, Best Collaboration Performance at Best World Music Recording. —LBG, GMA Integrated News