Mapapanood na sa Sabado ang inaabangang mega trailer ng "Voltes V Legacy." May pasilip dito na mga detalye sa disenyo at special effects sa nasabing live-action adaptation ng popular Japanese anime.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang sa ipakikita ang ilang eksena sa earth defence force base. Gayundin ang mga eksena bago at matapos na lagyan ng special effects tulad sa Camp Big Falcon at sa mundo ng Boazan.

ADVERTISEMENT

"Yung ilang scenes na shinoot [shoot]namin na naka-green screen and seeing it now kung ano yung totoong magiging final output, talagang nakaka-overwhelm so super exciting and its really worth the wait," ayon kay Ysabel Ortega.

Bukod sa mga maaksyong eksena, marami rin umanong matutunan sa buhay ng mga karakter sa serye.

"At first nung nag-start kami mag-taping nangangapa-ngapa pa kami sa mga character pero sa kalagitnaan dun na namin nakita na ok yung dynamics namin," ani Leizel Lopez.

"Lahat naman ng projects na binabato sa akin binibigay sa akin itinuturing kong best project kasi every project is an opportunity to grow and alam mo yun," ayon naman kay Miguel Tanfelix.

Mapapanood ang mega trailer ng Voltes V Legacy sa Kapuso Countdown to 2023 Gayo Daejeon.--FRJ, GMA Integrated News