Proud na inihayag ni Matt Lozano na naging mas disiplinado siyang tao, lalo na sa pangangalaga sa kaniyang timbang, nang mapili na siyang gumanap bilang si Big Bert sa live-action adaptation na "Voltes V: Legacy."
"Matagal ko nang problema ang weight ko... Ang problema ko lang 'yung disiplina. Ngayon lang ako nagkaroon ng disiplina sa sarili ko kasi mayroon tayong malaking pinaghahandaan, eh. Nakaka-proud kasi kaya ko rin pala na maging disiplinadong tao," sabi ni Matt sa Updated with Nelson Canlas.
Bago nito, umabot pa sa 278 pounds ang timbang ni Matt.
"Huggable. But alam mo 'yung pakiramdam ko nu'ng time na 'yun, parang body shaming sa sarili. Kasi doon ko nakita sa sarili ko na, 'Ano ang ginagawa ko sa sarili ko bakit ako naging ganito?'" pagbabahagi niya.
"Eventually noong nag-audition ako sa Voltes V, nag-thrive ako na, okay lang na mataba pa rin ako pero dapat healthy tayo."
Dumating naman sa puntong nakapagbawas na siya ng timbang, ngunit hindi raw ito naging fit sa role kaya sinabihan siya ni Direk Mark Reyes na muling magdagdag.
Dahil dito, nag-high protein diet si Matt habang pinananatili ang carbs, at nagpalakas din para sa kaniyang muscles.
"Right now I'm 240 pounds, may muscles na pero malaki pa rin ang body fats. Pero mini-make sure ko kasi na healthy pa rin ang pagkain ko," ayon kay Matt. "Nagwo-workout ako regularly para rin handa ako pagka wala akong ginagawa, patuloy pa rin ako nagre-review ng scripts ko."
Dahil parte ng series ang pisikal na pakikipaglaban ng mga bida sa mga mananakop ng mundo, sumabak si Matt sa mga training, tulad ng martial arts at cinematic stunts.
"Proud ako na sabihin din na kahit malaki ako, kaya ko 'yan kasi nagte-training kami," sabi ni Matt.
"And thankful ako kasi sa Voltes V, nabago nila ako. Kahit na mataba pa rin ako, I can say na I'm healthy."
Bukod kay Matt, kasama rin sa cast sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, at Raphael Landicho.
May mahigit dalawang milyong views agad ang mega-trailer ng "Voltes V: Legacy" sa loob lamang ng 24 oras.
—LBG, GMA Integrated News

