Lakas-loob na dinigahan ng vlogger na si Boy Tapang ang kaniyang dream girl na isang tisay at mala-artistahing babae sa Cebu. Papaano nga ba napaibig ni Boy Tapang ang magandang dilag na ilang beses na palang umibig at nasaktan? Alamin.

Nag-viral kamakailan nang ipakilala ni Boy Tapang o Ronnie Suan, sa kaniyang Filipino-American girlfriend na si LJ Satterfield.

May mga netizen na bumati sa dalawa at mayroon din namang nam-bash.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica” nitong Linggo, aminado si Boy Tapang na kahit wala siyang inaatrasan sa mga hindi pagkaraniwang pagkain na content ng kaniyang vlog, pagdating sa babae, mahina siya.

“Kahit si Boy Tapang ako, nasasaktan din ako. Kahinaan ko talaga is babae talaga,” saad niya.

Nito raw nakaraang taon, naging broken hearted si Boy Tapang nang magkahiwalay sila ng kaniyang nobya.

“Noong kami pa, nag-chat ako ng ibang babae. Na-learn ako doon sa mali ko. Nu’ng nagkahiwalay kami, ‘yun ang ginawa niyang rason,” lahad niya.  

Hanggang sa dumaan sa kaniyang Facebook newsfeed ang litrato ng magandag si LJ.

“Sabi ko baka poser ito, [kasi] maputi, maganda matangos ang ilong," ani Boy Tapang, at nag-chat sa pa babae pero hindi siya nakatanggap ng sagot.

“Even hindi siya nagre-reply, tuloy-tuloy pa rin ako sa pagcha-chat hanggang ma-notice niya ang message ko. ‘Yung reply sa akin emoji lang,” natatawa niyang kuwento.

Ayon kay LJ, pinanood niya ang mga video content ni Boy Tapang at namangha siya sa ginagawa nitong pagkain ng exotic food tulad ng mga hilaw na insekto at seafood.

“Nu’ng tinitingnan ko mga videos niya, na-amaze ako. Ito pala si Boy Tapang,” dagdag pa ng dalaga.

Gaya ni Boy Tapang, ikinuwento rin ni LJ na nakaranas siya ng ilang heartbreaks.

“Mayroon akong tatlo na naging serious relationships. ‘Yung isa tumagal ng three years, nalaman ko na scammer. ‘Yung isa five years muntik na kaming magpakasal, nanloko, so nahuli. ‘Yung isa one year… you shouldn't chase, hintayin mo lang na may dumating [na pag-ibig],” payo niya.

Hanggang sa dumating nga sa buhay niya si Boy Tapang.

“Inaya ko siyang mag-coffee kami,” ani Boy Tapang.

“Nag-oo lang ako just for fun,” sabi naman ni LJ.

Ayon sa dalaga, nagustuhan niya kay Boy Tapang ang pagiging kuwela at makulit ng binata na nagpapasaya sa kaniya.

“’Yung naramdaman ko, ‘yung aura niya napakagaan. Sobrang daming bagay na parehas kami ng hilig like coffee,” saad pa ni LJ.

“Maging honest naman po tayo. Physically gusto ko po talaga ng maputi. Surprisingly hindi siya maputi pero nasabi kong click kami,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay LJ, hindi siya tumitingin sa panlabas na hitsura ng lalaki pagdating sa pag-ibig.

“Lalo akong na-amaze kasi he’s so humble, he’s so kind, he’s so God fearing,” aniya. “Ako po talaga nagustuhan ko sa kaniya, mahilig siyang tumulong sa pamilya niya. Hindi po talaga ako nakatingin sa panlabas na itsura.”

Samantala, nagdiwang si Boy Tapang ng kaniyang ika-23 na kaarawan nitong nakaraang linggo. At may sorpresa sa kaniya si LJ. Kung ano ito at ano ang kanilang plano pagdating sa kanilang pag-iibigan,  panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News