Hindi nagpahuli ang mga banyaga na umibig sa mga Pinoy at Pinay sa pagsabak nila sa "Pinoy Henyo" ng "Eat Bulaga." Alamin kung paano nagsimula ang kani-kanilang love story at gaano kaya sila katalas sa Pinoy words gaya ng "sakong."

Sa episode ng “Pinoy Henyo” ng “Eat Bulaga” nitong Lunes, ibinagi ng mag-asawang Robin at Dianne Kraak na isang taon at kalahati na silang kasal.

Mula sa Netherlands si Robin, na sinabing apat na taon na silang nagsasama ni Dianne.

Ayon sa couple, nagkakilala sila sa isang videoke app.

“Bale nakita niya raw po ako doon kasi nagre-record po ako ng songs doon tapos po dino-duet niya po ang kanta doon,” ani Dianne.

Kuwento ni Robin, nalaman niya ang naturang app sa isang kaibigan.

“I’m actually trying to learn Chinese and I heard you can sing Chinese through it. But I never ended up doing that and I found my wife,” saad niya.

Nang tanungin kung ano ang naging reaksyon niya nang unang magkita sila ni Dianne sa Pilipinas, sinabi nito na kabigha-bighani raw ang pangyayari.

“I went back to my country again and I miss her crazy much. After four months or so I proposed,” sabi ni Robin. “I’ve been here in the Philippines for three years non-stop.”

Mayroon na ring anak ang mag-asawang Robin at Dianne.

Samantala, nagkakilala naman si Rei Derrota at Elisa Anders sa Instagram.

Ayon kay Rei, pinapanood daw niya ang mga vlog ni si Elisa, na nagmula sa Germany.

Kadalasang content daw ng vlog ni Elisa ang tungkol sa Pilipinas tulad ng mga pagkain at mga matatagpuang lugar sa bansa.

“Normal na Pinoy galawan lang. Nag-hello lang ako sa kaniya tapos sabi ko, 'I hope you notice me,' kuwento ni Rei.

Ayon naman kay Elisa, galing sa Pilipinas ang kaniyang stepmom.

“Because my stepmom was also from the Philippines, so I wanted to learn Tagalog from the start, so I thought it was really interesting at first. Then he ligawan me for three months and after that we became a couple," lahad ng dalaga.

Dalawang taon at siyam na buwan nang magkarelasyon sina Rei at Elisa. Sa ngayon, engaged na sila at plano nilang makasal sa susunod na taon.

Sa Facebook naman nagkakilala ang vlogger couple na sina Viktorija Radaviciute at Eugene Galang.

Sabi ni Eugene, nag-send daw siya ng friend request kay Viktorija, na nagmula sa bansang Lithuania.

Kuwento pa niya, hindi siya pinalabas sa Pinay kaya naisip niya na baka ang foreigner nakalaan para sa kaniya nag-add siya nang marami.

“Nag-message ako agad sa kaniya. Nag-hi ako sa kaniya kaya lang hindi siya active nu’n kaya sa Instagram, du’n siya nag-reply,” dagdag pa ni Eugene.

Ayon naman kay, Viktorija nag-usap lang daw sila hanggang sa nahulog na raw ang kaniyang loob kay Eugene.

“Kasi laging nandyan, laging mabait,” nakakakilig nitong sambit.

Binabalak nina Eugene at Viktorija na magpakasal ngayong taon.

Pare-parehong mahusay na sa Tagalog ang tatlong banyaga. Pero sino kaya sa kanila ang mas matinik sa Pinoy Henyo lalo pa't mapupunta sa isa sa kanila ang salitang "sakong." Panoorin ang masaya at nakakakilig na video. -- FRJ, GMA Integrated News