Bilang breadwinner, hindi napigilan ni Elijah Alejo na maluha nang sariwain ang panahon na problemado siya kung saan kukuha ng panggastos sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya dahil sa kawalan ng proyekto.

Sa isang episode ng "Updated With Nelson Canlas," inihayag ng Kapuso teen actress na biyaya para sa kaniya nang makasama siya sa dating hit afternoon series na "Prima Donnas."

Pero bago umano dumating ang itinuturing niyang big break sa "Prima Donnas," kung saan gumanap siya na kontrabidang si Brianna, sinabi ni Elijah na naging malaking problema niya ang pera para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.

ADVERTISEMENT

"Kumbaga ako po 'yung breadwinner so talagang nung wala pong pumapasok sa amin nun na work talagang iniisip ko, 'Hala, paano 'to, paano 'yung school ko, paano 'yung kakainin namin, paano 'yung gastos?," pagbabahagi ni Elijah.

Idinagdag niya na kasama rin sa inisip niya ang pambayad sa kanilang tinitirhan dahil nangungupahan lang sila.

Kaya namang inilarawan niya ang sitwasyon na iyon na "super challenging." Sa murang edad, naranasan na niyang mag-isip kung papaano mabuhay.

"Hindi naman na po makakapagtrabaho si mommy kasi cancer survivor po kasi siya. So talagang I only have me rin and umaasa rin po sa akin si mom," saad niya.

Kaya blessing para sa kaniya ang makasama sa "Prima Donnas" dahil nagkaroon na siya ng regular na kita.

"Napakalaking blessing po sa akin ng break ko sa Prima Donnas. Kasi parang...'Ok hindi ko na kailangang masyadong isipin yung mga gastusin, hindi ko na kailangang masyadong isipin yung paano yung ganito, paano yung ganyan, paano namin masu-survive yung another month kasi mayroon na akong regular show," masaya niyang sabi.

Ngayon, kasama si Elijah sa tatlong lead star sa GMA Afternoon Prime series na "Underage," kasama sina Lexi Gonzales at Hailey Mendes.—FRJ, GMA Integrated News