Inihayag ni Barbie Forteza na nauunawaan at full support ang kaniyang nobyong si Jak Roberto sa "FiLay" loveteam niya kay David Licauco, na talaga namang kinagigiliwan sa "Maria Clara at Ibarra."

Sa kaniyang panayam sa FreebieMNL Spotlight, sinabi ni Barbie na si Jak pa ang humihikayat na mag-post sila ni David tungkol sa mga nakakakilig na tagpo nina Klay at Fidel.

“It usually comes from Jak na, ‘If kailangan niyong mag-post, if kailangan niyo mag-promote, go,’ kasi nakita niya ang lakas talaga ng FiLay and super support siya, kaibigan niya rin talaga si David kasi so full support,’” sabi ni Barbie.

Kaya naman madalang munang mag-post si Barbie tungkol sa mga ganapan nila ni Jak.

“If, napapansin niyo, yung mga postings ko lang of us is yung holidays, pero other than that, para hindi siyempre ma-divert yung attention, naiintindihan niya yun. So, I really appreciate that; it’s such a mature move from him.”

Ayon pa kay Barbie, mas nag-mature na ang relasyon nila ni Jak, na limang taon nang matatag.

“Feeling ko, mas nag-grow yung relationship namin both in a bad way and in a good way [dahil] we’re past the honeymoon phase. In a bad way kasi, siyempre, yung mga kilig-kilig, yung mga good morning text—though hindi naman nawala yun—mas nasanay ka lang kasi so parang wala nang butterflies in your stomach,” anang Kapuso actress.

Mas naging maluwag na rin daw si Barbie sa mga hilig at interes ni Jak.

“Mas hinahayaan ko na siyang mag-motor, to go out with his friends, to spend time with his friends,” saad niya.

“Mas nagkaroon kami ng mutual understanding in terms of hinahayaan namin yung isa’t isa and to let each other discover kung ano pa yung kaya naming i-explore sa mga sarili namin.” —VBL, GMA Integrated News