Hindi lang ang magandang lugar na kinaroroonan at ang tapsilog na almusal ang nakatawag ng pansin sa netizens sa Instagram post ni Isabelle Daza.

Habang nagbabakasyon sa Amanpulo, nag-post ng larawan sa Instagram si Isabelle habang nag-aalmusal na kita ang magandang white sand na nasa kaniyang likuran.

Mapapansin din ang kaniyang baby bump sa suot niyang three-piece floral beachwear, habang nasa harapan niya ang agahan niyang tapsilog.

ADVERTISEMENT

Pero maliban dito, nakatawag din ng pansin sa kaniyang mga follower ang simple at makahulugang caption niya sa post: "Note to self: Don’t go broke tryin’ to look rich."

Sa comment section, marami ang naglagay ng laughing emojis, habang binati naman ng iba si Isabelle sa magandang caption ng kaniyang post.

“I’m always hooked on your captions,” anang isa niyang follower.

Taong 2016 nang ikasal si Isabelle kay Adrien Semblat. Taong 2018 nang isilang ang panganay nilang anak na si Balthazar, at sumunod si Valentin noong 2021.

Nitong November 2022 nang ibalita ni Isabelle na magkakaroon ng bagong miyembro ang kanilang pamilya.— FRJ, GMA Integrated News