Inihayag ni Miguel Tanfelix sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes ang pagmamahal niya kay Ysabel Ortega. Pero paglilinaw ng aktor, nililigawan pa lang niya ang co-star niya sa upcoming Kapuso live-action series na "Voltes V: Legacy."

Bukod kay Ysabel, sinabi ni Miguel kay Tito Boy na "nililigawan" din niya ang ina ng aktres na si Michelle, na dating artista.

“Kailangan po kasi nating sundin ‘yung nanay ni Ysabel. Medyo strict po si tita, and respeto po sa desisyon niya para sa anak niya dahil kahit paano, kailangan niyo rin pong ligawan ang magulang ng nililigawan mo, so hindi pa po,” sagot ng binata.

“Nililigawan ko po silang dalawa,” pagpapatuloy ni Miguel.

Gayunman, may mutual understanding raw sila ni Ysabel.

“Nandoon po kami, wala na po akong ibang nililigawan,” sabi ni Miguel.

Nasa law school sa kasalukuyan si Ysabel.

ADVERTISEMENT

“Nag-aaral po siya ngayon. Gusto ko rin pong bigyan siya ng time, ayokong masakal siya…  kung maging kami man ngayon, baka maging distraction lang ako sa law school niya ngayon,” sabi ni Miguel.

Parehong dumalo sina Miguel at Ysabel sa church wedding nina Luane Dy at Carlo Gonzalez nitong Miyerkoles, Pebrero 8.

Dahil dito, natanong ni Tito Boy kung napag-uusapan din nina Miguel at Ysabel ang tungkol sa kasal.

“Madalas po kaming nag-uusap kung ano ang gusto namin sa isang relasyon, madalas kaming mag-usap kung ayaw namin, very open kami about doon. Pero sa kasal masyadong malayo pa po ‘yon para pag-usapan namin na ‘Tayo na ang next.’ I mean ang dami pa pong steps na kailangan pagdaanan,” sagot ni Miguel.

Tinanong si Miguel kung ano ang pinakamagandang katangian ni Ysabel.

“Suporta,” sabi ni Miguel.

Tinanong din si Miguel kung nasaan siya sa puso ni Ysabel kung lalagyan ito ng rating na 1 hanggang 10.

“Baka maging assuming ‘yun Tito,” natatawang sagot ni Miguel sa kaniyang sarili. “Siguro nasa 8.9. ‘Yun po ngayon ‘yung tinatrabaho ko, ‘yung 1.1.”

Inilahad ni Miguel kung paano siya nanliligaw sa kaniyang Voltes V: Legacy co-star.

“Ume-effort po ako sa relasyon, pinapakita ko po palagi na nandito lang ako, and lagi ko siyang pinapasaya.”

Mensahe ni Miguel para sa ina ni Ysabel na si Michelle: “Tita, pinapangako ko po na aalagaan ko po si Ysabel. Huwag po kayong mag-alala pinagdadaanan namin ang bawat steps na kailangan naming pagdaanan para mas makilala pa ang isa’t isa."

"Never po akong magiging distraction sa anak niyo dahil alam kong gusto niyo siyang maging attorney in the future. Nandito lang po ako, naghihintay para sa approval niyo po, and para kay Ysabel,” patuloy ng aktor.

Tinanong ni Tito Boy kung paano mapatutunayan ni Miguel na mahal niya si Ysabel.

“Ito Tito Boy, interview, sabihin sa public na mahal na mahal ko siya. Wala nang ibang paraan Tito Boy,” sabi ni Miguel. --FRJ, GMA Integrated News