Sa nalalapit na pagdiriwang ng kaniyang ika-38 kaarawan, natutunan ni Heart Evangelista na huwag pilitin ang kaniyang sarili na magkaanak, sa kabila ng pressure na kaniyang nararamdaman noon.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, inihayag ni Heart ang kaniyang saloobin tungkol sa pagbubuntis sa isang event na sumesentro sa katotohanan tungkol sa mga kababaihan.

“Hindi ko siya pinag-uusapan actually, kahit maraming nagtatanong because no matter how you put it, it’s always painful to lose a child. And I didn’t just lose one; I lost twins,” sabi ni Heart.

ADVERTISEMENT

Nakaramdam din ng pressure si Heart noon na magkaanak.

“I must say before, yes. I must say, it wasn’t just because dahil artista ka. Of course subconscious, ‘yung mga makikita mong comments ‘di ba? Pero because dahil lahat ‘yon at kahit ‘yung ibang kilala mo sa buhay mo, they expect that for me. At this point hindi siya binibigay sa akin, so bakit ako magmumukmok or bakit ako magse-celebrate rin? I will just live my life and I’m happy,” saad niya.

Kaya naman sa ngayon, hindi siya sumusubok na magkaanak.

“No I’m not. Kasi kung pipilitin mo ‘yung hindi para sa ‘yo, para saan pa? But kung para sa ‘yo, eh ‘di para sa ‘yo. I’m not giving up but I’m not pressuring myself,” sabi ni Heart.

Ipagdiriwang ni Heart ang kaniyang kaarawan sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso.

“Habang tumatanda ka tumatapang ka. Hindi ibig sabihin sumasama ang ugali mo, iba ‘yon. You gain wisdom and you become strong to defend yourself, to defend your loved ones,” saad ng Kapuso Queen of Creative Collaborations. — VBL, GMA Integrated News