Sina Jopay Paguia at Joshua Zamora ang patunay na love deserves a second chance. Dahil ang unang bahagi ng kanilang love story, nauwi muna sa hiwalayan sa kabila nang nangyaring proposal.

Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, ikinuwento ni Joshua na nag-propose siya sa mismong kaarawan ni Jopay noong 2009.

“Ang nangyari diyan, nag-propose na ako sa kaniya on that year, I believe it’s 2009, sa mismong kaarawan din ni Jopay," ani Joshua.

Pero pag-amin ng orihinal na miyembro ng The Manoeuvres, hanggang proposal lang ang plano niya at walang kasamang kasalan.

“Iba pa ‘yung kultura ko noong panahon na ‘yon, na kapag nag-propose ka, okay na. Bigyan mo ng singsing. Pero pagdating doon sa setting a timeline for your wedding, wala ako noon,” ani Joshua.

“Basta nag-propose lang ako. Ang iniisip ko long term na engagement. Eh iba pala ‘yung sa kultura niya,” sabi ni Joshua.

Sabi ni Jopay, dating miyembro ng Sexbomb dancer, sa kultura na kinagisnan niya, na once na nag-propose ang lalaki, inaasahan ang kasalan pagkatapos ng isang taon.

Pag-amin ni Joshua, ang bigong karanasan sa buhay may-asawa ang dahilan kaya pinili niya noon ang long-term engagement lang.

“Kasi galing ako sa isang marriage na nag-fail talaga. So for me parang it’s a traumatic experience na pumasok ulit ako sa ganoon, and I might end up gano’n na naman. ‘Yun ang pumapasok sa utak ko kaya talagang ‘yung utak ko, buma-backout talaga eh kapag pinag-uusapan ‘yung ‘ikakasal na tayo sa ganitong date.’ Baka maulit lang,” sabi ni Joshua.

Dahil sa naturang sitwasyon, nagpasya ang dalawa na bigyan na ng espasyo ang isa't isa.

“Kasi nag-decide ako sa sarili ko na it’s unfair naman na nag-propose ako tapos hindi ko tinuloy, might as well give us space for each other muna. Hindi nga kasi ako ready, sinasabi ko sa kaniya ‘yon,” sabi ni Joshua.

Noong una, hindi raw tinanong ni Jopay si Joshua tungkol sa dahilan nito na makipaghiwalay. Pero matapos ang ilang taon ng kanilang "break up" nagkaroon na ng lakas ng loob si Jopay.

“Ang sinabi niyang rason sa akin is, kunwari ipinilit na ikasal kami after one year, hindi siya ready, baka maghiwalay din kami. Baka mas lalo niyang masaktan ako,” sabi ni Jopay. “Ganoon ang explanation niya, sabi ko, okay na rin. Kaya nag-wait na lang ako,” anang Sexbomb dancer.

'Di nakatiis si Joshua

Kuwento ni Jopay, muling nanligaw sa kaniya si Joshua nang maramdaman ng binata na unti-unti na siyang lumalayo at hindi na siya sumasama sa lakad niya.

“Naramdaman ko ‘yung nawawala na nga siya. Iba ‘yung naramdaman ko na mapupunta siya roon sa isang guy na hindi ko masyadong kilala, pero parang hindi ko masabi ‘yung future kung ano ang mangyayari sa relationship niya,” sabi ni Joshua.

“Kapag iniisip ko, nagpa-flashback ‘yung mga pinagdaanan namin, ‘yung families namin magkakakilala na. Parang ang hirap bitawan lang ng mga ganu’ng memories,” dagdag pa ni Johua.

Nang magkabalikan, ikinuwento ni Jopay na siya naman ang nakipag-break pagkatapos.

“Noong time na bumabalik siya bago pa ‘yung proposal at binibigay niya sa akin ‘yung singsing, nag-oo ako, so iyakan kami. Kinabukasan nakipag-break ako,” kuwento ni Jopay.

“Naramdaman ko kasi parang, iniisip ko kung nag-oo ako sa kaniya kasi baka nanghihinayang ako or naaawa ako sa kaniya. Kumbaga na-confused na ako sa sarili ko, ‘mahal ko pa ba?’ So I prayed na ‘Lord ibigay mo sa akin ‘yung sign. Kung siya talaga, ibalik Mo,’” panalangin daw ni Jopay.

Hanggang sa maging handa na si Joshua sa kasal.

“Sabi ko ‘Hala, ‘di ba hiwalay tayo? Hindi pa nga tayo engaged eh.’ Kinuha niya ‘yung singsing sa kuwarto niya, binigay. Sabi ko, wala man lang pa-flashmob,” birong pag-alala ni Jopay.

“Noong naging kami, talagang nagkabalikan ng singsing. From there on, nagkaroon na kami ng timeline na ito na ang date na ikakasal,” sabi ni Joshua.

Ngayon, mayroon nang dalawang anak sina Jopay at Joshua--FRJ, GMA Integrated News