Inamin ni Rabiya Mateo na hindi pa siya handa noon kaya tinanggihan ang proposal para magpakasal ng dati niyang nobyo na si Neil Salvacion. Ngayon kaya, handa na kaya si Rabiya na lumagay sa tahimik kung alukin ng kasal ng aktor na si Jeric Gonzales?

“Halimbawa lang, you get a new proposal? Would you?” tanong ni Tito Boy kay Rabiya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

"Tito Boy nai-stress ako ulit!" natatawang sagot ni Rabiya. "Pero kasi iba na rin ngayon."

Sa naturang panayam, inamin ni Rabiya na nag-propose noon sa kaniya ang dating nobyong si Neil. Pero tinanggihan niya ito dahil hindi pa siya handa.

Bukod sa sariling pangarap, iniisip daw ni Rabiya noon ang kapakanan ng pamilya. Kabilang sa mga pangarap niya noon na mabigyan ng sariling bahay ang kaniyang ina na naisakatuparan na niya.

READ: Rabiya Mateo, ibinili ng bahay ang ina sa Iloilo; tuloy din sa pagtulong sa iba

Ngunit ngayon, inilahad ni Rabiya na mas handa na siya kung sakaling mag-propose sa kaniya si Jeric.

“During that time I was just 23. And ngayon feeling ko na-fulfill ko na ‘yung pangarap for my family. Nabilhan ko na ng bahay si mama. ‘Yung savings, nakapag-ipon na po ako,” sabi ni Miss Universe Philippines 2020.

Kung si Rabiya ang papipiliin, maaari na siyang bumuo ng sarili niyang pamilya pagkaraan ng dalawang taon.

“Hindi agad-agad, pero siguro in two years. Kasi gusto ko rin Tito Boy maging nanay na. I can see myself, pero, hindi lang naman kasi ‘yun ‘yung desisyon na ako ‘yung gagawa. Kaming dalawa dapat ng partner ko,” paliwanag niya.

“You are willing?” tanong ni Tito Boy kung sakaling mag-propose si Jeric kay Rabiya.

“I am,” tugon ng beauty queen.

Nang sumalang kamakailan si Jeric sa “Fast Talk with Boy Abunda,” sinabi ni Jeric na “getting there” nang tanungin ang aktor kung nagkabalikan na sila ni Rabiya. --FRJ, GMA Integrated News