Inamin ni Ken Chan na nahulog sila sa isa’t isa ni Rita Daniela, na kaniyang ka-loveteam sa maraming proyekto kabilang ang hit series na “My Special Tatay.”

Sa “Back to Back Talk” edition ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy kung nagkaroon ng pag-aaway sina Ken at Rita.

“Hindi kami nag-away pero meron kaming hindi napagkasunduan,” panimula ni Ken.

“I’ll be honest. Dumating kasi sa point kami ni Rita, totoo pala ‘yun ‘no, posible ka pala talagang mahulog sa ka-love team mo. Akala ko kasi dati hindi totoo ‘yun eh, parang kaya mong pigilan. Actually kami ni Rita, meron kaming pangako sa isa’t isa nu’n, ang sabi namin ‘O walang mai-inlove sa isa’t isa ah,’” pagpapatuloy ni Ken.

“Na-inlove kay Rita?” diretsahang tanong ni Tito Boy.

ADVERTISEMENT

“Yes po,” sagot ni Ken, na idinagdag na “reciprocated” din ang kaniyang pag-ibig kay Rita.

Ngunit may sari-sarili silang prayoridad nina Rita noon, kaya hindi sila nagkatuluyan.

“Inamin namin sa isa’t isa kung gaano namin kamahal ‘yung isa’t isa, more than friends, more than katrabaho, beyond that. Pero alam namin ang limitasyon namin eh. May sarili siyang mga priorities, ako rin Tito Boy,” paliwanag ng Kapuso actor.

“‘Yung mga panahon na ‘yun ipinaliwanag ko sa kaniya, nasa point ako na tinatayo ko ‘yung mga business na gusto ko, and I really wanna focus doon sa business and sa career ko dito sa industriya natin,” sabi ni Ken.

“Naintindihan naman niya, pero hindi ko naiwasan na masaktan siya. Nasaktan ko siya,” pag-amin ng binata, na 30-anyos na ngayon.

Tinanong ni Tito Boy kung sa kabila nito, naayos naman at nagkaroon sila ng kapatawaran ni Rita.

“Yes Tito. Actually after nito magkikita kaming dalawa. Bibisitahin ko siya at saka ‘yung baby niya.”

Matatandaang pumatok ang tambalan nina Rita at Ken o “RitKen” sa My Special Tatay, kung saan gumanap si Ken bilang si Boyet na may mild intellectual disability. Si Rita naman si Aubrey, isang babaeng nag-aalok ng panandaliang aliw, na umakit kay Boyet at nagkaroon sila ng anak.

Matapos ang tagumpay ng My Special Tatay, lalo ng tambalang RitKen, nasundan pa sila ng “One of the Baes” at “Ang Dalawang Ikaw.”

Nagkasama rin sina Ken at Rita sa "All-Out Sundays," at naging hosts din ng "The Clash."

Nagkaroon pa sila ng My Special Love-Bobrey In Concert noong 2019. — VBL, GMA Integrated News