Ngayon na isa nang aktres at beauty queen, inihayag ni Herlene Budol na bonus na lamang para sa kaniya ang love life. Gayunman, ibinahagi din niya ang kaunting detalye tungkol sa mga kamuntik na niyang makarelasyon.

"Para sa akin bonus na lang po 'yan [love life] eh. Pipiliin ko po 'yung taong palagi akong pinipili," sagot ni Herlene nang tanungin ni Tito Boy Abunda kung gaano kahalaga sa kaniya ang isang lalaki sa kaniyang kaligayahan nang sumalang siya sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

Tinanong ni Tito Boy si Herlene tungkol sa isang basketball player na kaniyang nakamabutihan umano. Pero paglilinaw ni Herlene, crush lang niya ang basketbolista.

"Hindi kayo naging mag-boyfriend?” tanong ni Tito Boy.

“Muntikan lang ho,” biro ni Herlene.

Tinanong din si Herlene kung ano ang pakiramdam niya na maraming babae ang nagkakagusto sa naturang basketbalista na hindi pinangalanan.

“Ako naman ang dinate (date),” muling biro ni Herlene. “Feeling ko hindi naman ako ganoon kaganda before, kumbaga para sa akin kapalan pa rin ng mukha ang labanan."

Inusisa rin ni Tito Boy si Herlene tungkol sa teacher niya na kaniyang nagustuhan umano.

“‘Yung teacher ko na po ‘yun, muntikan lang po. Na-guidance ho kasi ako eh. Kung hindi ako na-guidance noon itutuloy namin ‘yan,” natatawang sabi ni Herlene.

Nagpaalala rin si Herlene sa mga kabataan na, "Bawal pong gayahin ng mga bagets."

Nilinaw naman ni Herlene na halos dalawa o tatlong taon lang ang tanda ng kaniya ng teacher.

Tinanong din si Herlene tungkol sa kaniyang nobyo na si Xam Troy Bello.

“Tito Boy para sa akin ang pagmamahal ‘yung willing mag-antay. Hindi po minamadali ang lahat ng bagay,” anang Kapuso comedienne.

“Para sa akin ang syota ko ngayon ‘yung career ko. Tapos gusto kong buntisin tapos paramihin kasi trabaho po ‘yung gusto ko,” paliwanag ni Bb. Pilipinas 2022 1st runner-up.

Sa naturang panayam, kinumpirma ni Herlene na lalaban siya sa Miss Grand International.

Bibida rin si Herlene sa upcoming Kapuso series na "Magandang Dilag."-- FRJ, GMA Integrated News