Kinumpirma ni Herlene Budol na sasabak muli siya sa pageantry sa pamamagitan ng Miss Grand International.

“Ang tanong ng marami ay, ikaw ba’y sasali sa Miss Grand International?” saad ni Tito Boy Abunda kay Herlene sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“Kung ako ang tatanungin Tito Boy, gusto ko ‘yung gusto ng manager ko naman. So sasali po ako,” pagkumpirma ni Herlene.

“Noong [Binibining Pilipinas] po, totally hindi ko po talaga gustong sumali. Siya lang po ang nag-motivate sa akin, nakita niya po ang potential ko raw po,” ayon pa kay Herlene.

Binalikan ni Herlene ang mga kagandahang loob na ipinakita sa kaniya ng kaniyang manager na si Wilbert Tolentino.

“Tinupad niya ‘yung mga pangarap ko magkaroon ng bahay, sasakyan, mapagamot ‘yung lolo ko. Pati ‘yung burol ng lola ko sinagot niya.”

“So ang kaligayahan naman ni Sir Wilbert ang gagawin ko, which is kaligayahan ko rin po ngayon,” sabi ni Herlene.

ALAMIN: Baby o lola: Alamin kung sino ang sasagipin ni Herlene Budol kung mayroong sunog

Tinanong ni Tito Boy kung ano ang dala-dala ni Herlene sa pagsali niya sa Miss Grand International.

“Kapal po ng mukha,” biro ni Herlene. “Kasi po ‘yun talaga ang number one puhunan ko sa buhay. Wala pong kahit anong talent. Kapal lang po ng mukha. Bibihira po ‘yun, ‘yung talent na ‘yon.”

Itinanghal si Herlene bilang 1st runner up at nakakuha pa ng pitong special awards sa Binibining Pilipinas noong nakaraang taon.

Sumali rin si Herlene sa Miss Planet International, pero umatras kalaunan dahil sa hindi niya magandang karanasan dito.--FRJ, GMA Integrated News