Pinasubalian ni Lorna Tolentino ang mga impormasyong kumakalat na may nawawalang kapatid umano ang yumao niyang asawa na si Rudy Fernandez mula sa Cotabato City, at ipinaampon ang aktor dahil sa kahirapan.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, binanggit ni Tito Boy ang panayam ng isang lola na nagngangalang si Teodola Galacio na taga-Cotabato City na nagsabing kapatid niya umano si Daboy.

ADVERTISEMENT

Dahil sa pahayag ng lola, nagbigay ng reaksyon ang ilang miyembro ng pamilya ni Rudy, tulad ni Mark Anthony Fernandez.

"Natutuwa ako dahil meron pa palang isang kapatid si Papa dahil si Tita Merle, buhay pa hanggang ngayon, saka si Tita Mary Ann," sabi ni Mark Anthony sa pep.ph. “Sana magkita rin sila kung totoo yon at gusto ko rin na makasama sa gathering na yon."

Si Mark Anthony ang anak ni Daboy kay Alma Moreno.

“News organizations should fact-check and verify before publishing anything," sabi  ni Rap Fernandez, anak naman ni Daboy kay Lorna.

Sa isang pahayag na natanggap ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi naman ni Lorna na kumpleto silang pamilya ng mga papeles na magpapatunay na hindi inampon si Rudy.

“Nakakahiya naman na sagutin pa si lola na lahat ng legal documents ay meron si Daboy. Proof na talagang Padilla-Fernandez at baby pictures. Ate Merle is Kuya Rudy’s eldest sister,” sabi ni Lorna.

Si Merle Fernandez ay isa ring movie star noong dekada 60s at 70s.

"Ang sinasabi ng pamilya ay hindi totoo ang claim ni Lola Teodola [Galacio]. Hindi po totoo ang balitang ito," paalala ni Tito Boy sa publiko.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News