Malaki ang pasasalamat ni Paul Salas sa kaniyang nobya na si Mikee Quintos, dahil tinulungan siya nitong harapin at malampasan ang mga trauma ng pagkabata, lalo nang magkahiwalay ang kaniyang mga magulang. Si Mikee naman, inilahad na lagi niyang pipiliin si Paul.

“Noong nasa lock-in kami at noong pandemic days, lockdown days, I was at my lowest point talaga. Simula child actor, parang ‘yun ‘yung feeling na ngayon lang ako nakapahinga, ngayon lang ako nasa bahay ng ilang months then doon ko na-realize lahat-lahat, my traumas, hurts,” panimula ni Paul sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“Noong time po na pumapasok si Mikee sa buhay ko, ito ‘yung time na masasabi kong doon ko siya ni-love, dahil sa understanding niya sa akin, sa patience niya sa akin,” saad ni Paul tungkol kay Mikee.

Ikinuwento ni Paul na kabilang sa kaniyang mga trauma ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.

ADVERTISEMENT

“Alam kong may kaunting bias ako noong time na ‘yun noong bata ako. Alam kong ngayon, both silang nagkamali roon, kung ano man ‘yung naging sitwasyon na ‘yun.”

Dahil dito, nakaapekto ang kaniyang mga trauma sa mga relasyon niya noon, bagay na nakita ni Mikee.

“Dumaan po sa akin ‘yung trauma na, ‘yung ‘pag iniiwan ng ka-relationship, like sa girlfriend noon. Hindi ko po alam ‘yun hanggang sa makilala ko ito (Mikee). At parang siya pa ‘yung nakakita noon sa akin.”

Inilahad din ni Paul na may trust issues siya sa kaniyang huling nakarelasyon.

“Kaya rin po Tito Boy naging toxic dahil meron po ako sa sarili kong, nandoon na ‘yung trust issues ko, nandoon na ‘yung tamang hinala ko. Aminado po ako sa sarili ko, sobra pa ako sa seloso. Kasi feeling ko kaunting time lang na may makausap lang na ibang lalaking kaibigan ‘yung nagiging karelasyon ko, feeling ko lolokohin na ako,” anang “The Write One” actor.

Mensahe ni Paul kay Mikee: “Sa lahat ng struggles, kasiyahan, growth, gusto ko siya ‘yung kasama ko.”

“Hindi naman ‘yun mawawala. And sana kapag may mga times na nati-trigger ‘yung traumas natin both, I want to assure you na hindi mo kailangan mag-isip o kabahan kasi ikaw naman lagi kong pipiliin kahit mahirap,” matamis naman na mensahe ni Mikee kay Paul.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News