Very proud mom ang isang ginang nang pasalamatan siya ng kaniyang anak na piloto na dinig ng lahat ng pasahero ng eroplano.

Sa video ng For You Page ng GMA Public Affairs, makikita na masayang nakaupo kasama ng ibang pasahero ng eroplano si Mommy Rowena, kasama ang isa pa niyang anak na babae.

Nang makalipad na ang eroplano at nasa himpapawid na, gaya ng ibang piloto, nagbibigay ng mensahe ang piloto sa kaniyang mga pasahero para magpakilala at magbigay ng ilang impormasyon tungkol sa kanilang magiging biyahe.

Sa naturang biyahe, ang anak ni Mommy Rowena na si Capt. Emmanuel Vytiaco, ang nagpapalipad ng sinasakyan nilang eroplano.

Ipinaalam ni Emmanuel sa kaniyang mga pasahero na may espesyal na tao sa kaniya na nakasakay din sa eroplano-- ang kaniyang ina at kapatid.

Bahagya naman kumaway si Mommy Rowena habang nakangiti sa mga kapuwa niya pasahero para makita siya.

Kasunod na nito ang espesyal na mensahe ni Emmanuel para pasalamatan ang kaniyang ina na una raw naniwala at hindi nagduda na magiging piloto siya.

"Ma, thank you for everything. Thank you for being the first person to believe in me. When I had my doubts you were the first one to believe in me that I can do it," saad ni Emmanuel sa Public Address system kaya dinig ng lahat ng pasahero.

"You followed me throughout my journey from a child and now being a..... captain. Thank you for everything. I  love you," patuloy niya.

"You're welcome. I love you too," tugon naman ni Mommy Rowena mula sa kaniyang kinauupuan.

Ang mga pasahero, nagpalakpakan naman sa kanilang narinig.

Ayon kay Mommy Rowena, magkahalong emosyon ang naramdaman niya nang sandaling iyon.

Nais daw sana niyang tumayo sa tuwa upang ipagmalaki ang kaniyang anak.

Bilin niya sa kaniyang anak, patuloy na abutin pa ang ibang pangarap, at laging maging mapagpakumbaba.

Aminado naman si Capt. Emmanuel na kulang pa ang salitang pasasalamat sa lahat ng ginawa ng kaniyang ina para sa kanila.

"I don't know how I can make you feel more prouder or kung ano man ang maibibigay ko, pero I just want to say that I'm grateful and always felt mahal na mahal niyo kaming magkakapatid. Ma, I love you," sabi ni Capt. -- FRJ, GMA Integrated News