Bukod sa pagiging artista, isa na ring entrepreneur si Kiray Celis. Ang kaniyang negosyo, mga inumin gaya ng kape, juice, milky drinks, at supplements na pampaganda na, pampa-sexy pa. Ang kaniya raw kinikita rito, umaabot ng milyong piso.

Sa nakaraang episode ng programag "Pera Paraan," ikinuwento ni Kiray kung paano niya sinimulan ang konsepto sa kaniyang mga produkto.

“Nag-start po ako ng June, katapusan kasi po July 'yung birthday ko eh. So parang sabi ko gusto ko ng pagbabago sa sarili ko. And I think po, kasi malaking bahagi din 'yung boyfriend ko na gusto niya na healthier ako. Mas parang yun na 'yung new sexy eh. Kapag healthy ka, sexy ka,” sabi ni Kiray.

Tatlo ang flavor ng mga bestseller coffee ni Kiray. Iniinom niya ang kaniyang kape 30 minuto bago ang una niyang kain.

“Lagi ko pong in-explain sa mga bumibili sa amin, sa mga binibentahan ko, na kailangan lang maging consistent ka. Hindi naman po kasi ito magic na kapag uminom ka ng isang beses, ‘Uy, payat na ako.’ Hindi naman po ‘yun gano'n. Hindi kami too good to be true na kapag ininom mo agad, eh payat ka na po,” paglilinaw ni Kiray.

“Kailangan maging consistent ka lang. Kailangan dere-derecho po 'yung pag-inom,”  dagdag niya.

Iba-iba raw ang epekto ng mga produkto ni Kiray.

Pumapalo na ng milyon piso ang negosyo ni Kiray, matapos maghanap ng manufacturer na may mga ekspertong gagabay sa paggawa ng kaniyang mga produkto.

Nitong Pebrero, naka-P3 milyon na sila sa sales ng kaniyang mga produkto sa isang araw. Malaki rin ang kanilang sales kada araw, na may minimum na P300,000 hanggang P500,000.

“I think nakita rin po nila na ang magandang marketing for me, nakita nila talaga 'yung pagbabago and changes po sa akin,” sabi ni Kiray.

Ayon pa kay Kiray, aprubado umano ng Food and Drugs Adminitration o FDA ang mga produkto niya.

Mabusisi ang pinagdadaanang proseso ng “Hot Babe Coffee” ni Kiray mula mixing, filling, at repacking. Hands on din si Kiray hanggang quality control.

Ang mga may plano namang magnegosyo, puwedeng maging affiliates kung saan magre-request sila ng mga produkto ni Kiray, at gagawa ng mga content, video at live. Magkakaroon sila ng komisyon kapag may bumili na sa kanila.

“Lagi ko rin po sinasabi, sa TV, kapag umaarte ako, marami akong napapangiti at napapasaya na mga tao. Pero I think dito sa business na ito, natutunan ko, mas marami akong mapapasaya kapag mas marami akong natulungan na magkaroon ng trabaho,” sabi ni Kiray. -- FRJ, GMA Integrated News