Kahit binansagan na "bold" star at "Sex Goddess of Philippine Movies" noong dekada 80's, sinabi ni Alma Moreno na hindi siya nakaranas ng pambabastos at ipinaliwanag niya kung bakit.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Alma na tinawag siya noon na "the youngest sexy star" at "the youngest bold star" dahil sa tema ng ginagawa niyang mga pelikula na sexy.

Ayon kay Alma, tanggap naman niya ang ibinigay sa kaniyang mga titulo.

"Sa screen ako, nag-se-sexy, nag-bo-bold ako at may limit ha 'yung pagbo-bold ko, hindi  ganun lang 'yung ginagawa ko, pero parang 'pag sa labas ako, Kuya Boy, makikita mo si Alma Moreno, naka-maong, naka rubber shoes," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT

"Hindi 'yung sexy ko na kita 'yung cleavage ko, hindi. Hindi ako ganun," patuloy niya. "'Yun ang importante, pakita mo na eto ka. Hindi ka umaarte, eto ka, 'yung tunay—kumbaga eto 'yung Alma Moreno."

Tinanong ni Tito Boy si Alma kung nakaranas siya ng pambabastos noon.

"Hindi. Kahit minsan hindi ako nabastos dahil sa nagse-sexy ako sa screen, hindi," tugon ni Alma, na simpleng tao lang umano siya na manamit kapag nasa pampublikong lugar.

Hindi rin ikinakasama ng loob ni Alma na bigyan siya noon ng titulong "Sex Goddess."

"Para matawag ka sa isang title na ganun, thank you, kumbaga sa 'kin kasi marami din gusto nun e—sex goddess," aniya.

Gayunman, mayroon umanong negatibong epekto ang naturang titulo pagdating sa kaniyang trabaho.

"Ang isang pinakamasakit, Kuya Boy, din 'di ba, 'yung ba tingin nila na dahil sexy star ka or bold star ka, hangga't dun ka na lang nakakahon dun," paliwanag niya tungkol sa mga proyektong nakukuha niya.

"'Di ba kung 'di ka magse-sexy, diyan ka lang. Kailangan ka magsexy, ganun 'yung tingin. 'Yun ang pinakamasakit. Sana bago nila i-judge 'yun, tingnan muna nila so sa awa naman ng Diyos, Kuya Boy, napatunayan ko na hanggang ngayon, nandito po ako," patuloy ng aktres.

Pero nagpapasalamat si Alma na mahuhusay ang naging mga direktor niya sa mga ginawa niyang proyekto katulad ni Ishmael Bernal, na hinirang na National Artist noong 2001. --FRJ, GMA Integrated News