Inihayag ni Paolo Contis na nakagawa siya ng mga pagkakamali na humantong sa hiwalayan nila ni LJ Reyes. Ang aktor, nagsalita rin tungkol sa pribadong relasyon nila ni Yen Santos.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing pareho nilang nakapanayam ng kapwa GMA Integrated News reporter na si Aubrey Carampel si Paolo tungkol sa mga bagay na matipid ang kaniyang mga sagot dati.

Naging panauhin sina Nelson at Aubrey sa online show na “Just In.”

Diretsong tinanong ni Nelson si Paolo tungkol sa hiwalayan nila ni LJ.

“Para sa akin I think it’s too personal... Maraming factors kung bakit napunta doon sa state ng naghiwalay kami. But I have admitted that I have made mistakes. Pero marami pang hindi alam ang tao about the whole picture,” sabi ni Paolo.

Ayon kay Paolo, miss na miss niya na rin si Summer, ang bunsong anak nila ni LJ.

Magdadalawang taon nang naninirahan si LJ sa New York kasama ang mga anak. Willing namang bumisita roon si Paolo.

Natanong din kung nagkakausap sina Paolo at LJ sa ngayon.

“No. But I’m waiting for the right time and the go signal that I can. But I am trying to contact through her lawyer,” sabi ni Paolo.

Samantala masaya ngayon si Paolo tungkol sa pagiging pribado ng relasyon nila ni Yen Santos.

“I guess being in a quiet relationship, feeling ko mas may advantage. She’s a very private person. Walang comparison. Again, people don’t know what happens behind closed doors. Kung ano man ‘yung nakita ko dati, iba rin ‘yung mga nakikita ko ngayon. Sa amin, it works because we’re both quiet with our personal lives,” anang Kapuso comedian at actor.

Nagkomento rin si Paolo sa reaksyon ng publiko tungkol sa kaniyang kaniyang mga naging desisyon sa buhay.

“It’s sad to say na super na-demonize kami pareho in terms of, parang super laki. Katulad nga ng sinabi mo pagdating mo kanina ‘Oh! The world’s hatest man!’ Natuto na ako. And aminin na natin, there is too much hate for me to postings and parang sa akin, so what? As long as quiet ‘yung sa aming dalawa, then so be it,” sabi ni Paolo.

Abangan ang iba pang mga rebelasyon at kulitan nina Aubrey at Nelson sa “Just In.” —LBG, GMA Integrated News