Inamin ni Martin del Rosario ang kaniyang pagkakamali matapos manguha ng mga starfish at ilagay ito sa kaniyang katawan para sa isang photo op sa beach sa Palawan.
 
“Kung kilala talaga ako ng mga tao sa paligid ko, hindi naman ako clout chaser. Actually sobrang private ako na tao,” sabi ni Martin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes tungkol sa pananaw niya kung bakit tila lapitin siya ng bashing.
 
“‘Yung totoo, hindi ko talaga alam na kapag tinanggal ang starfish sa water mamamatay sila kasi, I mean ang daming species ng starfish. Hindi ko alam kung anong species ‘yung kinuha ko,” pag-amin ng aktor tungkol sa isyu.
 
Gayunman, sinabi niya ring nakatanggap siya ng mga panghuhusga mula sa ilang tao.
 
“Tingin ko naunahan ako ng judgment ng mga tao.”
 
Kuwento ni Martin, nagpapahinga siya noon sa beach nang may makita siyang grupo ng mga foreigner na naglalaro ng mga buhangin at mga starfish, bago sila tinawag ng kanilang bangkero.
 
“Ako curious, pumunta ako sa spot nila, nakita ko ‘yung mga starfish, nagandahan ako, nilagay ko sa katawan ko. Hindi naman siya ‘yung as if hinanap ko sa tubig ‘yung mga starfish isa-isa,” paglalahad ni Martin.
 
“Nilagay ko kasi naaliw ako dahil ang daming starfish,” dagdag niya.
 
Ayon kay Martin, halos dalawang minuto tumagal ang kaniyang photo op.
 
Tinanong ni Tito Boy kung may nagpaalala kay Martin na delikado para sa mga starfish kapag inaahon ito mula sa tubig.
 
“‘Yun naman ang, sasabihin kong hindi ko talaga alam. Gusto kong magpasalamat sa mga nag-inform sa akin or nag-educate sa akin,” pag-amin ng aktor sa kaniyang pagkukulang.
 
“Pero doon sa mga nag-spread lang ng hate or nam-bash, hindi talaga ako pumapatol,” pagpapatuloy niya.
 
“Lumalabas doon sa komentaryo, kasi kung komentaryo na mali ang ginawa mo, I think it’s something that we should take with open hearts and arms, because you learned from your own mistakes and experiences,” payo naman ng King of Talk kay Martin, bagay na sinang-ayunan ng aktor. —VBL, GMA Integrated News

ADVERTISEMENT