Ikinuwento ni Lotlot de Leon na lumapit siya noon sa National Bureau of Investigation (NBI) para magpatulong na makilala ang mga basher ng anak niyang si Janine Gutierrez.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Lotlot na nangyari ang insidente noong siya pa ang tumatayong manager ng kaniyang anak.

"Ini-screenshot ko lahat, pinrint ko lahat ng mga masasakit na salita sa anak ko through Twitter," anang batikang aktres. "Gusto kong malaman kung sino 'yung mga taong nagsasalita ng mga masasakit sa anak ko."

ADVERTISEMENT

"Ganun ka-intense," dagdag niya. "Hindi nga yata alam ng anak ko 'yun."

Ayon kay Lotlot, bilang ina, hindi naging madali sa kaniya ang lahat sa pagiging manager ni Janine lalo na kapag pinupulaan ang kaniyang anak.

"Masakit pala talaga 'pag pinupulaan 'yung anak. Napakasakit," sabi niya.

Gayunman, napagtanto naman daw ni Lotlot na matapang ang kaniyang anak, at kayang harapin ang mga isyung ibabato sa kaniya.

"I should also have more faith in my daughter, na kung anuman 'yun, kung anuman 'yung pagdaanan niya dito sa industriya, kakayanin niya," ayon kay Lotlot, na napapanood ngayon sa "The Write One" kasama ang dati niyang mister na si Monching Gutierrez. --FRJ, GMA Integrated News