Ilang linggo makaraang sumailalim sa operasyon, nagdiwang ng kaniyang ika-26 na kaarawan nitong Lunes ang "Eat Bulaga" dabarkads na si Miles Ocampo.

Sa Instagram, nag-post ng mga larawan si Miles habang masaya niyang hawak ang isang cake na may isang kandila.

"Grateful for good health, a new year, and a new life. will make sure to make it a great one," bahagi ng caption ni Miles.

 

 

Nitong nakaraang buwan, sumailalim si Miles sa thyroidectomy surgery dahil sa papillary thyroid carcinoma.

Isa itong uri ng cancer na nakakaapekto sa thyroid.

Gaya ng ipinakitang pagmamalasakit ng mga celebrity nang maospital si Miles, dinagsa rin ng mga pagbati sa kaniyang kaarawan ang actress-TV host sa comment section ng kaniyang post.

Kabilang dito sina Bianca Umali, Jasmine Curtis-Smith, Pauleen Luna, Ciara Sotto, Khalil Ramos, Ryan Agocillo, Ryzza Mae Dizon at iba pa.

Nag-post din si Maine Mendoza ng birthday greeting para kay Miles sa Instagram Stories.

Sa kaniyang post, nagpasalamat si Miles sa lahat ng bumati at nagmamahal sa kaniya.— FRJ, GMA Integrated News