Ikinuwento ni Aubrey Carampel ang hindi niya malilimutang “brutal” na pag-welcome sa kaniya ni Nelson Canlas noong makapasok siya bilang reporter sa Kapuso Network.

Sa online talk show na “Just In,” naging guests sina Aubrey at Nelson, kung saan binalikan ni Aubrey noong manalo siya sa Kapuso reality show na “May Trabaho Ka!”

“Ang unang bumastos sa akin sa newsroom, ito (Nelson). Ang ganda ng welcome mo sa akin, ang kapal ng mukha,” sabi ni Aubrey.

Mga tatlong taon nang reporter noon si Nelson nang manalo si Aubrey sa naturang reality TV show sa QTV.

Abala si Nelson noon sa trabaho nang lapitan siya ni Aubrey.

“Nagsusulat ako ng script sa newsroom. Sinusundan siya ng camera, sabi ko may artista na naman papasok’ so dini-deadma ko,” kuwento ni Nelson.

“Lumapit sa akin, ‘Hello sir Nelson! Ako po si Aubrey, ako po ‘yung nanalo sa ‘May Trabaho Ka.’ Eh may camera. Sabi ko wait lang ha,” pagpapatuloy ng host ng “Updated with Nelson Canlas” podcast.

Dahil nakatutok ang camera, hindi na nakatanggi si Nelson sa pagbati ni Aubrey.

“‘Hi Aubrey! Dahil Kapuso ka na, isuot mo ito, magandang welcome ‘yan sa ‘yo bilang Kapuso. Welcome to GMA Aubrey!’” pag-alala ni Nelson na sinabi niya kay Aubrey, habang inaabot dito ang isang Kapuso pin.

“Sabi ko ‘Thank you! Thank you po!’” pag-alala ni Aubrey.

Matapos nito, hindi na natiis ni Nelson na tarayan si Aubrey.

“Sabi ko sa cameraman, ‘Kuya rolling ka pa?’ ‘Hindi na po.’ ‘Akin na ‘yan’ (binawi ang pin na ibinigay kay Aubrey.) Sabi niya (Aubrey) ‘Binigay mo na sa akin’ ‘Akin na ‘yan magkakaroon ka ng sa ‘yo. Umalis ka rito sa tabi ko,’” pag-alala ni Nelson.

“Ginaspangan ako ng ugali. Sabi ko ‘Hindi ko ito magiging kaibigan. Napakasungit naman nitong Nelson Canlas. Akala ko pa naman mabait sila,’” sabi ni Aubrey.

Nagkatarayan man sa umpisa, naging close friends naman sina Nelson at Aubrey nang maging katrabaho na bilang mga reporter ng GMA Integrated News.