Dahil binata na, ikinuwento ni Jose Manalo na hindi niya nakilala si Arkin, na anak ng namayapang dating Eat Bulaga dabarkads din na si Francis "Master Rapper" Magalona.

Sa isang episode ng "Eat Bulaga," kabilang si Arkin sa mga celebrity choices para sa segment ng programa na "Bawal Judgmental."

Kuwento ni Jose, "Hindi ko nakilala. Lumapit sa akin sa labas, sabi niya, 'Hi kuya.'

"Oy,' Sabi kong ganun. Sabi ko [sa sarili], 'Saan ko ba nakita 'tong bata na to?,'" patuloy ni Jose.

ADVERTISEMENT

Nagtanong daw si Jose sa kasamahan kung kaninong anak ang bumati sa kaniya, at doon niya nalaman na si Arkin ito na anak ni Francis.

Kaya naman daw kaagad niyang binalikan si Arkin.

"Hindi kita nakilala," pagtatapat ni Jose kay Arkin. "Huli niya kasing punta rito [sa Eat Bulaga] talagang baby na baby pa."

Isa na ring music artist si Arkin ngayon at nakapaglabas na raw siya ng ilang single.

Ginagawa rin umano niya ang ilang awitin ng kaniyang ama na si Francis para maipagpatuloy ang legacy nito at maipakilala sa bagong henerasyon.

“Gusto kong ma-continue 'yung legacy niya. Lalo na sa generation ko ngayon, kailangan kong malaman nila kung sino 'yung tatay ko kasi malaki siyang inspiration sa lahat,” ani Arkin.

Sinabi pa niya siya rin mismo ang nagsusulat ng kaniyang mga kanta. --FRJ, GMA Integrated News