Sinabi ni Buboy Villar na inaasikaso na ng kaniyang dating karelasyon na si Angillyn Gorens ang American citizenship ng dalawa nilang anak. Ibig bang sabihin nito na sa Amerika na rin maninirahan ang mga bata?

Sa isang episode ng "Eat Bulaga," kabilang si Buboy sa guest choices sa "Bawal Judgmental" segment tungkol sa co-parenting set-up ng mga celebrity matapos makipaghiwalay sa kani-kanilang partner.

Nasa US na si Angillyn, na isang American citizen. Taong 2018 nang sabihin ni Buboy na napagdesisyunan nila ni Angillyn na maghiwalay na.

Bagaman naiwan kay Buboy ang dalawa nilang anak, sinabi ng aktor sa "Eat Bulaga," na nasa Amerika ngayon ang panganay nilang anak dahil inaasikaso ang pagproseso sa American citizenship nito. 

Pero paglilinaw ni Buboy, sa Pilipinas pa rin maninirahan ang kaniyang mga anak.

ADVERTISEMENT

"Dito na talaga sila sa Pilipinas for good. Ginawa lang U.S. citizen ang anak ko in case lang kapag merong matatakbuhan ba. Para sa future, mas okay, mas mawalak yung ginagalawan nila,” paliwanag ni Buboy.

Ayon kay Buboy, maganda ang relasyon nila ni Angillyn para magkatuwang palakihin ang kanilang mga anak. Regular din umano ang video call nila.

Muling tinanong si Buboy kung bakit sila naghiwalay ni Angillyn.

"Bakit kayo naghiwalay," tanong ni Jose Manalo kay Buboy.

"Anong pakialam mo," pabirong sagot ni Buboy, sinundan ng tawanan ng mga dabarkads.

"Mag-uungkat na naman ako eh," hirit pa ng komedyante.

Pero seryosong paliwanag ni Buboy, “Dahil nga bata pa kami, marami din kaming pinagdaanan din talaga."

Binanggit din ng aktor ang kakulangan sa oras para mabigyan ng panahon ang kaniyang partner dahil subsob siya sa trabaho. 

“Patience, time… kasi lalo na sa akin, parang sobrang workaholic ako, di ko talaga mabigay yung time ko as a partner,” paliwanag pa niya.

Gayunman, sinabi ni Buboy na todo kayod siya para makagpag-ipon para sa future ng kanilang anak.

Nagsi-save ako para sa future ng mga anak ko. Kayod ako nang kayod hangga’t kaya. Gusto ko lang naman, e, maranasan nila yung buhay na 'di ko naranasan noon," anang aktor.- -FRJ, GMA Integrated News