Sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," tinanong ang guest na si Paolo Contis kung bakit siya na-in love sa karelasyon niya ngayon na si Yen Santos.

Matatandaan na September 2021 nang kumpirmahin ng aktres na si LJ Reyes ang paghihiwalay nila ni Paolo.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" noong nakaraang Enero, inamin naman ni Paolo na girlfriend niya na si Yen.

Pero nilinaw ni Paolo sa panayam kay Tito Boy na hindi si Yen ang dahilan ng paghihiwalay nila ng LJ.

Sa halip, sinisi ni Paolo ang kaniyang sarili na hindi niya na-handle nang maayos ang problema nila ni LJ noong panahon ng pandemic.

Kabilang na rito ang pagpapabaya niya sa kalagayan ng mental health ni LJ.

Nang panahon na lumabas na ang balita tungkol sa paghihiwalay nila ni LJ, sinabi ni Paolo sa panayam ni Nelson na may mga kaibigan siya na lumayo sa kaniya. Sa harap na rin ng ang matinding batikos na inabot niya mula sa publiko.

"May tampo sa mga tao na kaibigan ko, kumbaga para silang netizen na doon lang nakinig, doon sa nabasa nila at para sa kanila 'yun na 'yon," pahayag ni Paolo.

Pero paglilinaw ni Paolo, hindi siya galit, sa halip ay nagtatampo lang sa mga kaibigan niya, lalo sa mga nakakaalam ng telepono niya na hindi man lang siya tinawagan para magtanong at alamin ang kaniyang panig.

At sa panahon na nilalayuan umano siya ng ilang kaibigan, sinabi ni Paolo na hindi umalis sa panig niya si Yen.

"Sobrang simpleng bagay lang. When the whole thing started, the whole crucifixion started, there was a time or there was every opportunity, she had every opportunity to tell me or to leave but she stayed," pahayag ni Paolo kaya niya minahal si Yen.

Idinagdag pa ni Paolo na naging mahirap din noon ang sitwasyon para kay Yen na nadamay lang noon sa kaniya at napilitan pang magpahinga sa social media.

Sa panahon na aminado si Paolo na worst time para sa kaniya na pumasok sa bagong relasyon, pinili ni Yen na hindi siya iwan.

"Nung kumalat... ako kumbaga hindi mo ba mamahalin yon?," anang aktor tungkol kay Yen. "During the time some of my friends, some of the people who actually believe me were leaving someone stayed."

Nang tanungin si Paolo kung worth it ba si Yen, sagot ng aktor, "Yah. Kumbaga, nung lahat palayo, siya palapit."

Nitong Martes, ibinahagi ng dating karelasyon ni Paolo na si LJ ang engagement nila ng kaniyang non-showbiz fiancé na si Philip Evangelista na nakabase sa New York.

Umani ng pagbati mula sa mga kapuwa celebrities ang naturang post ni LJ.-- FRJ, GMA Integrated News