Lumipad na patungong Amerika ang ilan sa cast members ng “Voltes V: Legacy” para dumalo sa prestihiyosong San Diego Comic-Con.

Sa Facebook page ng Voltes V: Legacy, sinabing ang Voltes V: Legacy live action series ang kauna-unahang Philippine TV program na magiging bahagi ng San Diego Comic-Con.

Makikita sa post ang ilang larawan at video nina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, at Gabby Eigenmann habang nasa airport bago umalis ang grupo.

Inihayag ni Gabby na excited siya sa kanilang biyahe.

Ang naturang event ang pinakamalaking comics convention na ginagawa taun-taon sa California, USA. Gaganapin ito mula July 20 hanggang July 23.

Napapanood ang "Voltes V: Legacy" sa GMA 7 mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng GMA News "24 Oras."

Mapapanood din ito via livestream sa GMA Network's YouTube channel at sa GMANetwork.com/KapusoStream. --FRJ, GMA Integrated News