Bukod sa mga hinahangaan niyang K-pop idol, inamin ni Jillian Ward na mayroon na siyang real-life crush at nag-e-enjoy siya kapag magkasama sila. Sino kaya ang mapalad na lalaki?

Sa "Updated with Nelson Canlas" podcast, sinabi ni Jillian na kadalasan na paghanga lang ang pagkakaroon niya ng crush.

“Pero aaminin ko Tito Nelson, siyempre hindi ko rin po maiwasan magka-crush din talaga,” paliwanag ni Jillian.

Dahil dito, tinanong si Jillian kung sino ang kaniyang “abot-kamay” na crush.

“I'm gonna be very honest Tito Nelson parang nagkakaroon po ako ngayon ng real-life crush, pero hindi ko aaminin. Hindi ko aaminin kahit kanino kung sino ‘yun,” sagot ng “Abot-Kamay na Pangarap” star.

Ngunit ayon kay Jillian, “Nag-e-enjoy lang po ako ‘pag magkasama kami.”

Muling sinabi ni Jillian na kahit edad 18 na siya, hindi pa siya handang magpaligaw.

“In the first place, hindi ko rin po sila binibigyan ng chance na umamin,” sabi niya. "Ginagawa ko rin pong clear sa kanila na ayoko pa po. May perfect time naman din po talaga kasi ‘yun.”

Para kay Jillian, inuuna niya pa muna ang kaniyang sarili.

“Kumbaga nga po dati kung sobrang strict po si mama at papa, na-adapt ko po talaga ‘yun sa sarili ko. So mas istrikto po ako sa sarili ko. Like 'yung mga nasa paligid ko po sinasabi enjoy-in ko raw po pagkabata ko, kasi minsan lang daw po ako magiging bata at kikiligin nang ganito,” sabi niya.

Ayon kay Jillian, sinasabi niya sa kaniyang sarili na ituon muna ang atensyon sa trabaho at sa kaniyang pamilya.

“Kumbaga darating din po ‘yon, ‘pag tumanda na po ako siyempre hindi ko na po lagi makakasama ‘yung family ko, mga kapatid ko magkakaroon sila ng sarili nilang family. So ine-enjoy ko po talaga na magkakasama po kami bago po ako ‘yung talagang hayaan ko 'yung sarili kong ma-in love,” dagdag ng “Star of the New Gen.” -- FRJ, GMA Integrated News