Kinumpirma ni Thea Tolentino na in a relationship siya ngayon sa isang piloto.

“Are you single?” tanong ni Tito Boy kay Thea sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Hindi po. Non-showbiz,” sagot ni Thea.

Ayon sa 27-anyos na Kapuso actress, 30-anyos ang kaniyang nobyo.

Inihayag din ni Thea, na “nagkataon” lang ang kanilang relasyon at marami itong pagsubok.

“Ang daming challenges po actually kasi ‘pag non-showbiz, na-experience ko, hindi nila alam ‘yung environment natin. Sa atin kasi, ang dami nating kaibigan, mapa-bata or mas nakatatanda sa atin, iba’t ibang age nakakasalamuha natin,” saad ng aktres.

“Minsan ‘yung mga ‘lakwatsa’ na sinasabi nila, actually may kasamang work because para siyang gaining connections, importante ang networking sa work natin,” dagdag pa niya.

“Unti-unti ko pong ipinapaalam sa kaniya na ‘Ganito ang work ko, ‘yung lakwatsa ko. Hindi talaga ‘yan lakwatsa. May lakwatsa pero may nakukuha ako after it,’” paliwanag ni Thea sa kaniyang nobyo.

Bonding kasama si Yasmien Kurdi

Naka-relate si Thea kay Yasmien Kurdi, na may asawang piloto na si Rey Soldevilla.

“Ang haba ng usap namin ni Ate Yas, parang two hours sa cellphone. Sabi niya ‘Naku Thea nakadestino sa Cebu. Naku Thea! Minsan uuwi ‘yan may pamilya na’” natatawa niyang kuwento sa biruan nila ni Yasmien tungkol sa kaniyang nobyo.

“May trust naman ako sa boyfriend ko,” sabi ni Thea, na kampante sa kaniyang nobyo.

Gayunman, may paalala siya rito.

“Bawal ang layover na babae, bawal ‘yon!” natatawa niyang biro.

“We try to practice having healthy communication, kasi communication is key talaga sa lahat,” sabi ni Thea tungkol sa pagpapanatili nila ng relasyon nila ng kaniyang nobyo.

Hindi niya rin ito pinaghihigpitan tungkol sa mga pinupuntahan nito.

“Gala po ako, so kung ginanu’n ako, maiinis ako, so hahayaan ko na lang,” sabi ng aktres. --FRJ, GMA Integrated News