Isa nang abogado ang OPM singer-songwriter na si Jimmy Bondoc.

Kabilang si Jimmy sa 3,812 na pumasa sa 2023 Bar Examinations.

Inilabas ng Supreme Court nitong Martes ang resulta ng pagsusulit.

Ibinahagi ni Jimmy ang kaniyang kasiyahan sa Facebook post.

"Nasa Aromata lang po kami the whole day, to praise God and to celebrate friendship. Everyone is welcome. 3pm to midnight, drinks, prayers, laughter. Glory to God and God alone," saad ng mang-aawit.

Taong 2017 nang simulan ni Jimmy ang kaniyang law studies sa San Beda University. Ipinagpatuloy niya ito sa University of the East noong 2019.

Naging miyembro rin ng Board of Directors ng Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) si Jimmy noong 2016.

Kabilang sa mga hit song ni Jimmy ang "Let Me Be The One." —FRJ, GMA Integrated News