Naglabas ng pahayag si Dominic Roque para linawin ang mga isyung ipinupukol laban sa kaniya kabilang ang tungkol sa condo na kinumpirma niyang pag-aari ng isang politiko.

Sa inilabas na pahayag sa pamamagitan ng abogado ng aktor na Fernandez & Singson law offices, kinondena nito ang mga inilabas na isyu ng entertainment vlogger na si Cristy Fermin, na tinawag na "malicious and defamatory."

Inilabas umano ang mga isyu "under the guise of entertainment news without any effort from her to confirm the same from Mr. Dominic Roque."

Nilinaw ni Dominic ang ilang isyu, kabilang condo unit na kaniyang inuupahan, at pag-aari ni Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos.

Pinabulaanan ng aktor na "benefactor" niya ang alkalde.

“He is embarrassed and apologizes to Mayor Bullet Jalosjos and his family for being dragged into the public conversation because of the malicious, defamatory public innuendos of Ms. Fermin,” saad sa pahayag.

Nilinaw din ni Dominic ang pagkaladkad sa isyu kay Congressman Bong Suntay na "suspected benefactors” umano.

“By making such a statement, Ms. Fermin made the innuendo that unreasonably casts doubt on the sexuality of former Congressman Bong Suntay,” ayon sa pahayag.

“Furthermore, Mr. Dominic Roque does not own a Clean Fuel gas station; in fact, all Clean Fuel gas stations are company-owned,” patuloy niyo.

Hindi rin daw pinag-awayan nina Domic at Bea Alonzo ang tungkol sa prenuptial agreement.

“Reckless statements relating to the alleged disagreement over a pre-nuptial agreement between them are not only unverified but merely based on speculations intended to produce a negative image on the parties concerned,” sabi pa sa pahayag.

Kamakailan, naglabas ng magkasamang pahayag sina Dominic at Bea para kumpirmahin na tinapos na nila ang kanilang engagement at hindi na matutuloy ang plano nilang pagpapakasal.

Ginawa ng dalawa ang pahayag matapos namang ianunsyo ni Boy Abunda sa programa nito na Fast Talk with Boy Abunda na kinumpirma ng kaniyang mga source na naghiwalay na sina Dominic at Bea.

Nang araw na umere ang programa, sinabi ni Tito Boy na batay sa kaniyang mga source, gumagawa pa rin ng paraan si Dominic na suyuin si Bea.

Inihayag din ni Tito Boy na hindi naging isyu kay Dominic ang prenuptial agreement.— FRJ, GMA Integrated News