Kasabay ng pagkumpirma ni Boy Abunda na hiwalay na nga sina Bea Alonzo at Dominic Roque, sinabi rin ng TV host na hindi totoo ang mga espekulasyon na ang prenup agreement ang dahilan kaya hindi na matutuloy ang kasal ng dalawa.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ng King of Talk na batay sa kaniyang sources, hindi naging isyu kay Dominic ang prenup agreement.

Katunayan, si Dominic pa raw ang nagsabi sa ina ni Bea na ok lang sa kaniya ang naturang kasunduan na ginagawa ng ilang ikinakasal patungkol sa kanilang yaman o ari-arian.

“Ang nag-volunteer sa nanay ni Bea na okay ang prenup ay si Dominic. So I don’t think it is and it was an issue, unless nabago ang kuwento,” ayon kay Tito Boy.

Isang source din ni Tito Boy ang nagsabi na isinauli umano ni Bea ang engagement ring na mula kay Dominic.

Sa ngayon, kung hindi maayos ang anumang naging problema sa dalawa, sinabi ni Tito Boy na hindi na matutuloy ang kasal.

“Did they call off the wedding? Yes,” pagpapatuloy ni Tito Boy.

“My prayer is that may God grant them what is best for them,” panalangin ni Tito Boy.

Batay pa rin sa impormasyon mula sa "good sources," sinabi ni Tito Boy na sinusuyo pa ni Dominic si Bea, at nagkakausap pa ang dalawa.

“They are trying to understand each other. But they are going through a rough patch,” ani Tito Boy.

Naging engaged sina Bea at Dominic noong July sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Quezon City.

Taong 2021 nang maging magkarelasyon ang dalawa,

Nitong nagdaang holiday break, bumiyahe ang dalawa sa Sapporo, Japan at sinelyohan pa nila ang kanilang pagmamahalan sa Mount Moiwa.--FRJ, GMA Integrated News