Bagaman dumalo ang ina ni Heart Evangelista sa renewal of vows nila ni Senador Chiz Escudero, kapansin-pansin na wala ang ama ng Kapuso fashion icon na si Rey Ongpauco.

Sa Instagram, ibinahagi ni Heart ang short recap ng kasal nila ni Escudero sa Balesin. Kasama sa mga ipinakita ang masayang tagpo na kasama niya ang kaniya ina na si Cecile.

Sa comment section, may follower na nagtanong kung bakit wala ang kaniyang ama.

Magalang naman ang pagkakatanong at humingi pa ng paumanhin ang netizen kay Heart, kasabay ng pagbati.

Tugon naman ni Heart sa nagtanong, "He is recovering."

 

 

Hindi binanggit ni Heart ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang ama. Pero noong 2019, sumailalim si daddy Rey sa radiation therapy.

Kaya naman si mommy Cecile ang naghatid kay Heart sa altar sa renewal of vows ng aktres sa kaniyang mister.

Noong 2015, parehong wala ang mga magulang ni Heart sa kasal nila ni Escudero. Noong 2021, sinabi ni daddy Rey na pinanghihinayangan niya ang naturang pagkakataon.

BASAHIN: Heart, tinanong ang ama kung bakit sila 'nag-away' ni Chiz

"Sayang. Naging bati na sana kami no’n,” ayon kay daddy Rey. — FRJ, GMA Integrated News